Timbuwang ang sampaguita vendor, na nagtitinda rin umano ng shabu, habang arestado naman ang kanyang kinakasama sa buy-bust operation sa Tondo, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Dalawang tama ng bala sa katawan ang tumapos sa buhay ni Zaldy Alvarez, 50, nang manlaban umano sa mga awtoridad, habang nahaharap sa drug charges ang kanyang kinakasamang si Gloria de Guia, 40, kapwa residente ng Aleda Street, Barangay 226, Zone 21, Tondo, Maynila.
Ang mag-live-in partner na kasama sa drug watch list ay kapwa na umanong sumuko sa ‘Oplan Tokhang’, ngunit isinailalim sa buy-bust operation nang malamang ipinagpatuloy ang kanilang ilegal na aktibidad.
Sa ulat ni Police Supt. Alex Daniel, station commander ng Manila Police District (MPD)-Station 7, nagawa umanong makabili ng shabu ng poseur buyer na si PO1 Ed Mark Edar kay Alvarez at nang aarestuhin na umano ang suspek ay nanlaban pa sa mga awtoridad. (Mary Ann Santiago)