Sa harapan ng kanyang asawa’t anak ay binaril at pinatay ng hindi nakilalang suspek ang isang security guard habang naglalakad patungo sa isang tiangge sa Tondo, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Dead on arrival sa Justice Jose Abad Santos General Hospital si Ariel Rosales, 22, security guard, at residente ng No. 39 Gate 12, Parola Compound, Tondo.
Batay sa ulat ni PO3 Marlon San Pedro, ng Manila Police District-Crimes Against Persons Investigation Section (MPD-CAPIS), nabatid na dakong 7:15 ng gabi at magkakasamang naglalakad sa MICT Road patungo sa tiangge si Rosales at ang asawa niyang si Frangeline at panganay nilang anak nang bigla siyang barilin ng suspek.
Kaagad namang isinugod ni Frangeline sa pagamutan ang asawa ngunit nasawi rin dahil sa tinamong tama ng bala sa dibdib.
Bigo si Frangeline na makilala ang suspek, habang inaalam pa ng awtoridad ang motibo sa pamamaril.
(Mary Ann Santiago)