Nasagip ng Philippine Coast Guard (PCG) ang 28 crew members ng isang yateng sumadsad sa Tubbataha Reefs Natural Park, Palawan, nitong Linggo, Hunyo 14.
Batay sa pahayag ni PCG Spokesperson, Commodore Noemie Cayabyab, bandang 5:00 ng umaga nang matanggap nila ang impormasyon hinggil sa MY Philippine Siren 2, na biglang nakaharap sa malakas na hangin habang nakaangkla sa isang boya, tinatayang 7.2 nautical miles, northeast ng Tubbataha Reef.
Saad pa ni Cayabyab, umalis ng Puerto Princesa City ang yate noong Miyerkules, Hunyo 10, para sa isang diving expedition sa Tubbataha Reefs Natural Park.
Ang kabuoang bilang na 28 pasaherong matagumpay na nasagip ay binubuo ng 14 divers at 14 Pinoy crew members.
Habang ang nasabing 14 divers naman ay binubuo ng siyam na American nationals, tatlong German nationals, at dalawang Pinoy.
Ani Cayabyab, ang 14 divers at apat na crew members ay inilipat sa isa pang yate, na MY Resolute, at nakatakdang makabalik sa Puerto Princesa City bandang 8:00 ngayong gabi.
Samantala, naideploy naman ang BRP Cape Engaño (MRRV-4411) sa Tubbataha Reefs Natural Park upang makapagbigay ng tulong sa 10 crew members na nananatiling nakasakay sa MY Philippine Siren 2 para sa kanilang environmental protection efforts.
As of 9:30 ng umaga ngayong Linggo, nananatili sa tubig ang MY Philippine Siren 2 at sa tiniyak ng PCG na walang anumang oil spill o senyales ng marine pollution ang naobserba sa Tubbataha Reefs Natural Park.