BONTOC, Mountain Province – Dalawang mahigit 100 anyos na babae na kabilang sa listahan ng living treasure sa lalawigang ito ang ginawaran ng parangal sa bisa ng Provincial Ordinance No. 192, ang Centenarian Recognition and Awards Ordinance para sa mga taga-Mountain Province na umabot na sa kanilang sentenaryo.

Ang 107-anyos na si Bagawe Pok-oran Cas-oy, na isinilang noong Setyembre 1, 1909 sa Barangay Sacasacan, ay ang pinakamatandang rehistradong senior citizen sa munisipalidad ng Sadanga.

Biniyayaan si Cas-oy ng anim na anak, at batay sa datos ng Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) ng Sadanga, si Cas-oy ay mayroon na ring 41 apo at 52 apo-sa-tuhod.

Lumaki sa pagtulong sa kanyang mga magulang sa bukid at namuhay sa pagkonsumo ng mga organikong pagkain, pinili ni Cas-oy na mag-isang manirahan sa maliit niyang bahay, kung saan regular siyang dinadalaw ng kanyang mga anak at apo para asikasuhin ang kanyang mga pangangailangan.

Probinsya

72-anyos, pinalo ng dumbbell sa ulo ng kaniyang misis na may mental disorder

Setyembre 24, 1913 naman isinilang si Dolores Wayan Giong-an, 103, sa Camatagan, Sabangan. Abala sa pagbubukid noong kanyang kalakasan, nagsimula ang panghihina ng katawan ni Giong-an noong 2010, ngunit ipinagmamalaki ng kanyang mga anak na naging masaya ang pagtanda ng kanilang ina habang nakasubaybay sa kanila, sa mga apo at mga apo-sa-tuhod nito.

Gaya ni Cas-oy, sariwang pagkain din ang sekreto ng mahabang buhay ni Giong-an.

Bawat isa kina Cas-oy at Giong-an ay pinagkalooban ng Congratulatory Resolution, plaque of recognition, at P20,000 cash, na tinanggap ng kani-kanilang pamilya mula kina Gov. Bonifacio Lacwasan, Jr. at Vice Gov. Francis Tauli.

May 13 sentenaryo ngayon sa Mountain Province at lahat sila ay buwanang binibisita ng mga health personnel ng pamahalaang panglalawigan para sa libreng check-up, at nasa ilalim din ng monitoring ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO). (Rizaldy Comanda)