Umapela ng panalangin ang Simbahang Katolika para sa mga lugar na inaasahang hahagupitin ng bagyong ‘Karen’.
Ayon kay Rev. Father Israel Gabriel, Social Action director ng Prelatura ng Infanta, nangangamba sila sa posibleng maging epekto ng bagyo bagamat nanatili pang kalmado at normal ang panahon sa lalawigan ng Aurora.
Tiniyak naman ni Gabriel na nakaalerto sila at patuloy ang kanilang komunikasyon sa mga parokya na nasa baybaying dagat, at inaabisuhan nila ang mga ito na agad magsagawa ng karampatang aksyon sakaling lumakas pa ang bagyong ‘Karen’.
Hinimok pa ng pari ang lahat na manalangin at gamitin ang kanilang mga natutunan mula sa pinsala ng mga nagdaang kalamidad.
“Kami ay nanawagan ng panalangin hindi lang sa lalawigan ng Aurora kundi maging sa buong Pilipinas na huwag na sana magdulot ng epekto na masyadong mabigat,” ayon sa pari.
Samantala, siniguro naman ni Father Renato Dela Rosa, Social Action director ng Virac, Catanduanes, na nararanasan na nila ang pag-ulan sa kanilang lalawigan bagamat hindi naman ito nagdudulot ng malakas na paghangin na kanilang mas pinangangambahan. (Mary Ann Santiago)