Sugatang isinugod sa ospital ang isang binata na umano’y kabilang sa drug watch list ng pulisya matapos pagtangkaang patayin ng dalawang hindi pa nakikilalang armado na magkaangkas sa motorsiklo sa Las Piñas City, nitong Huwebes ng gabi.
Ilang tama ng bala sa binti ang tinamo ng biktimang si Reynaldo Caminero Jr., 24, ng Metals Road Camella 3, Barangay Pamplona Tres ng naturang lungsod at kasalukuyang nagpapagaling sa ospital.
Sa ulat ng Las Piñas City Police, dakong 7:00 ng gabi nangyari ang insidente sa Macopa St., Verdant Acres, Bgy. Pamplona Tres.
Sumulpot umano ang riding-in-tandem sa pinangyarihan at walang sabi-sabing pinagbabaril ang biktima na nakaupo lang sa bangketa, bago tuluyang tumakas sa pag-aakalang napatay nila si Caminero.
Base sa inisyal na imbestigasyon, sangkot sa ilegal na droga ang biktima. (Bella Gamotea)