Nabahiran ng dugo ang pakikipaghiwalay ng isang tomboy sa kanyang kinakasama matapos siya nitong pagtatagain sa dibdib sa Parañaque City nitong Martes.

Dead on the spot si Beverly Marcos, 46, ng No. 16 Ireland Street, Better Living, Barangay Don Bosco ng nasabing lungsod, sanhi ng mga tinamong saksak sa dibdib.

Nakakulong naman sa Parañaque City Police ang suspek na si Nora Dulay, 45, ng No. 303 Block 4, Purok River Side, Bgy. Sun Valley ng naturang lungsod.

Sa ulat ng pulisya, dakong 3:00 ng hapon nangyari ang pananaga sa loob ng bahay ni Dulay.

National

'Unfinished business' ni Roque sa House of Representatives, pinuna ng ilang mambabatas

Noong Oktubre 7, nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang biktima at suspek sa pagnanais ng una na makipaghiwalay sa huli na umabot pa sa puntong humarap silang dalawa sa barangay hall.

Bago ang pananaksak ay nakipagkita pa umano ang biktima sa kanilang ampon, 17, sa isang simbahan kung saan sumulpot din ang suspek na nauwi uli sa pagtatalo.

At dahil hindi pa rin naayos ang gusot, nagpasya ang biktima at ang kanilang ampon na magpunta sa bahay ni Dulay upang makipag-usap nang masinsinan subalit sa pagtatalo pa rin humantong hanggang sa humingi na ng tulong ang dalaga sa barangay.

Ilang sandali ang lumipas ay nakasalubong na umano ng mga barangay tanod ang suspek na may bahid ng dugo ang damit at mga kamay na naging sanhi ng kanyang pagkakaaresto.

Nadatnan ng mga tanod ang biktima na naliligo sa sarili niyang dugo at wala nang buhay. (Bella Gamotea)