Aminado si Pangulong Rodrigo Duterte na hindi niya kayang wakasan nang tuluyan ang korapsyon sa bansa sa loob ng anim na taon.

Sa kanyang pahayag sa harap ng mga bagong talagang opisyal ng pamahalaan sa Malacañang nitong Martes, sinabi ng Pangulo na napakaikli ng anim na taon para tapusin lahat ng repormang kanyang ipinangako.

“If I could just get a fraction of the corruption sa ating gobyerno, mukhang okay na. I cannot erase all. I cannot stop it but I can minimize it,” ayon sa Pangulo.

Sa kasalukuyan, sinabi ni Duterte na naiinsulto siya sa nananaig pang korapsyon sa regulatory agencies.

National

Sen. Go, sinamahan si FPRRD sa regular check-up: ‘Kahit going 80 na, hindi naman halata!’

“There’s a lot of corruption still and I have yet to refocus on the so many issues,” pahayag ng Pangulo.

“I feel it as an insult really. Kasi ‘yan ang pinangako ko. One is I will stop corruption. That was the only line that was repeated by my mouth all the months of the campaign,” dagdag pa nito.

Samantala isa sa paraan para maipatupad ang kanyang plano laban sa korapsyon ay ang pagdaraos ng isang oras na morning show sa telebisyon, kung saan doon diringgin ang reklamo ng taumbayan.

Maaari umanong i-text ng taumbayan ang kanilang reklamo laban sa mga nagsasamantalang opisyal ng pamahalaan, gayundin ang may mahinang serbisyo sa publiko.

“Just text the agency and the person whom you have, you have a gripe, a grievance to express, tell me about the issue and maybe that would be more in keeping with the transparency,” ayon sa Pangulo. (Genalyn D. Kabiling)