KASABAY ng pinag-ibayong paglipol sa ipinagbabawal na droga, umigting din ang mga panawagan sa Duterte administration na lalong paigtingin ang pakikidigma sa problema sa gutom at pagdarahop. Higit na nakararami ang mga mamamayan, bukod pa sa ilang Senador at mga kapanalig ng iba’t ibang religious group, ang naniniwala na ang pagpuksa sa karalitaan ay marapat ding pag-ukulan ng pangunang pansin o top priority; ito ang pinakamalubhang dahilan ng pagkasugapa sa shabu.
Walang alinlangan na ang walang puknat na paglipol ng mga alagad ng batas sa illegal drugs ay katanggap-tanggap sa lahat halos ng sektor ng sambayanan. Maliwanag na ito ang nagpataas sa trust rating ng bagong pangasiwaan. Isipin na lamang na nabulabog ang mga sindikato ng droga na walang habas na namayagpag at pinabayaan sa loob ng nakaraang mga administrasyon.
Totoo, daan-daan na ang napapatay na pusher, user at mangilan-ngilang drug lords, bukod pa rito ang libu-libong sumusuko sa mga awtoridad. Walang humpay ang gayong kampanya sa kabila ng matinding agam-agam ng ilang sektor ng taumbayan, lalo na ng mga tagapagtanggol ng karapatang pantao. Subalit lumilitaw na lalong mistulang nagngangalit ang administrasyon sa pagpuksa sa naturang kasumpa-sumpang bisyo.
Marapat lamang pukawin ang atensiyon ng Duterte administration upang pagtuunan ng pansin ang nakababahalang problema sa gutom at karalitaan na, tulad ng binibigyang-diin ng ilang mambabatas, ay nakaligtaang lunasan ng nakaraang mga liderato. Hanggang ngayon, patuloy na lumolobo ang bilang ng mga nagugutom; sinasabi na 3.1 milyong pamilya o 16 na milyong mamamayan ang nakararanas ng matinding gutom. Nagiging kapuna-puna, tulad ng pinatutunayan ng SWS survey na patuloy na lumalaki ang naturang bilang ng mga nagugutom, kasabay marahil, ng paglobo ng bilang ng mga napapatay na drug suspects.
Sa bahaging ito, nalantad na naman ang kahalagahan ng makabuluhang paglalaan ng malaking bahagi ng conditional cash transfer (CCT) funds para sa poverty alleviation program. Ang naturang bilyun-bilyong pondo, ang makatuwirang paggamit nito, ay tiyak na makatutulong sa nagugutom na mga pamilya.
Isabay na rin dito ang pagdamay sa mga nakatatandang mamamayan na kasalukuyang kinakalinga sa iba’t ibang reception centers. Ang naturang mga maralita o indigent senior citizen na iniwan at pinabayaan ng kanilang mga pamilya ay nangangailangan ng mga ayuda mula sa mga may habag at malasakit. Hindi sila dapat mapabayaan at dapat ding mabigyan ng prayoridad, tulad ng kampanya laban sa droga.
Ang misyong ito ay bahagi rin ng paglipol sa gutom at karalitaan. (Celo Lagmay)