MASAYANG kausap si Inah de Belen, hindi siya nalalayo sa kanyang Mommy Janice de Belen at Tita Gelli de Belen kapag ini-interview.
Sa set ng afternoon prime drama na Oh, My Mama, inamin ni Inah na medyo hirap pa rin siyang mag-Tagalog dahil hanggang Grade V siya sa international school, na sa Pilipino class lang sila nagsasalita ng Tagalog. Sa ibang subjects, bawat isang Tagalog word na sabihin nila, one peso ang multa. Kaya kahit sa bahay, English din ang gamit nila. Pero ngayon, obligado raw siyang mag-aral sa pagsasalita ng Tagalog.
“Okey na rin po naman ang pagta-Tagalog ko pero medyo mahirap kapag eksena na, na kailangan mong isipin kung ano ang iaarte mo lalo na kung iiyak ka at kasabay ang pagda-dialogue,” sabi ni Inah. “Medyo nasasanay na rin po ako dahil ilang weeks na rin kaming nagti-taping. At mahuhusay lahat ang mga kasama ko sa soap at sinusuportahan nila ako, like si Tito Epy (Quizon) at si Tita Gladys(Reyes), huwag daw akong mahihiyang magtanong sa kanila.”
Katambal ni Inah sa soap sina Jake Vargas atJeric Gonzales at ibinuking sa amin ni Gladys na lumabas na raw sina Jake at Inah, hindi kasama si Jeric. Kaya si Inah naman ang tinanong namin, sino ba ang mas matimbang sa kanya kina Jake at Jeric.
“Ako po nag-organize ng paglabas namin, para po lamang kami mag-bonding, para maging close kami sa isa’t isa. Sa kanilang dalawa kasi, mas una kong naka-close si Jeric dahil kami ang unang magkasama sa eksena. Si Jake, paminsan-minsan pa lang ang eksena naming nagagawa kaya parang nasa getting to know each other pa kami.”
Loveless si Inah, loveless din si Jake at wala pa ring girlfriend si Jeric, paano kung parehong manligaw sa kanya ang dalawa?
“Ganoon po, manliligaw agad?” natawang sabi ni Inah. “Pareho pong mabait sina Jake at Jeric, parehong magalang pero si Jake po masyadong tahimik. Para rin ang character niyang ginagampanan sa soap namin. Mas masayahin si Jeric sa kanya.”
Pero sino nga ang pipiliin niya sakaling manligaw sila sa kanya?
“Huwag po muna, work muna po ang focus ko, and I think, ganoon din naman sina Jake at Jeric, work din muna sila.”
Kahit 22 years old na, may curfew pa rin pala si Inah sa mommy niya.
“Okey po ako roon, p’wede po akong out of the house hanggang 1:30 to 2:00 AM. Advantage po sa akin ang curfew dahil halos everyday nagti-taping ako kaya kailangang on time akong makarating sa taping. Although hindi po naman ako palaging lumalabas dahil ang friends ko naman, mga kapitbahay ko rin lamang like si Djanin Cruz at si Rodjun Cruz, kaya mas maaga sa curfew ko, umuuwi na ako.”
Ang Oh, My Mama ay napapanood daily after ng Eat Bulaga. (NORA CALDERON)