DAVAO CITY – Nasa 2,000 katutubo at mga Moro sa Mindanao ang muling personal na dudulog sa gobyerno upang igiit na matuldukan na ang umano’y militarisasyon at pandarambong sa lupain ng kanilang mga ninuno.

Kasalukuyang nagmamartsa ang mga nagpoprotesta patungo sa Maynila upang isulong ang pagrespeto ng mga awtoridad, gaya ng Armed Forces of the Philippines (AFP), sa kanilang kultura.

Una nang ipinag-utos ni Pangulong Duterte sa AFP na isailalim sa kapangyarihan ng militar ang mga paramilitary group, tulad ng Bagani na inakusahan ng pang-aabuso sa mga Lumad sa kabundukan.

Paulit-ulit namang itinatanggi ng AFP na inaarmasan nito ang mga paramilitary group.

Probinsya

72-anyos, pinalo ng dumbbell sa ulo ng kaniyang misis na may mental disorder

Iniaapela ng grupo ang pagbuwag sa mga paramilitary group, tulad ng bagong New Indigenous Peoples Army for Reform (NIPAR), gayundin ang pagdakip, paglilitis at pagpapakulong sa mga natukoy na suspek sa Lianga Massacre, na ikinasawi ng Alcadev executive director na si Emerito Samarca at ng mga pinuno ng Lumad na sina Dionel Campos at Bello Sinzo, sa Surigao noong Setyembre 1, 2015.

Habang isinusulat ang balitang ito kahapon, sinabi ng mga raliyista na patungo na sila sa Leyte at Samar.

Tinawag na “Lakbayan ng Pambansang Minorya para sa Sariling Pagpapasya at Makatarungang Kapayapaan”, inaasahang makararating sa Maynila ang caravan sa Huwebes, Oktubre 13, para sa pagsasama-sama ng mga katutubo at Moro na raliyista mula sa Luzon, Visayas at Mindanao na maglulunsad ng torch march sa Mendiola.

Ayon kay Jomorito Goaynon, chairperson ng grupong Lumad na KALUMBAY, ipamamalas ng pagmamartsa ang pagkakaisa ng iba’t ibang tribu sa Mindanao na nais nilang ipakita sa mga taga-Maynila.

KARAPATAN NG MGA KATUTUBO

Kaugnay nito, ang anak naman ni Pangulong Duterte na si Sebastian “Baste” Duterte ang nag-eendorso ngayon ng “Stop the Pain” campaign ng Katinko, na inilunsad nitong Sabado sa Facebook, at sumusuporta sa karapatan ng mga katutubo.

Layunin ng kampanya na isulong ang “love, respect, appreciation” para sa mga katutubo, gamit ang hashtag na #StopThePain.

Ang Oktubre ay Indigenous Peoples Month. (YAS D. OCAMPO)