IPINAGDIRIWANG ng Taiwan, na opisyal na tinatawag na Republic of China (ROC), ang National Day nito ngayong araw.

Tinagurian itong Double Ten Day dahil sa ikasampung araw ng ikasampung buwan noong 1911 nang magsimula ang Wuchang Uprising. Ang Wuchang Uprising ay nagbunsod sa pagbagsak ng Qing Dynasty sa China at pagtatatag ng republika noong Enero 1, 1912.

Sa mahalagang araw na ito, nagsasama-sama sa Taiwan ang mga bisita at mga respetadong dignitaryo mula sa iba’t ibang lugar sa mundo upang magdiwang. Batay sa tradisyon, idinadaos ang mga selebrasyon sa harap ng Presidential Office Building, sinisimulan sa pagtataas ng watawat at pagkanta ng pambansang awit na susundan ng parada ng militar. Ang Presidential Address to the Nation ay susundan ng pagtatanghal na pangkultura ng mga lokal na personalidad at mga grupo. Nangagsabit ang mga watawat sa mga pangunahing lansangan at kalsada ng Taiwan sa mga panahong ito. Pagsapit ng gabi, nagliliwanag ang kalangitan ng Taiwan sa fireworks display.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Ang Taiwan ay isang estado sa East Asia at kabilang sa mga karatig-bansa nito ang People’s Republic of China (PRC) sa kanluran, ang Japan sa hilaga-silangan, at ang Pilipinas sa katimugan. Ang kabisera nitong Taipei ay isang modernong metropolis na may mga Japanese colonial lane, abalang kalsada para sa mga mamimili, at mga gusaling kontemporaryo.

Nakapanunghay sa siyudad ang 509-metro ang taas at hugis kawayang Taipei 101 skyscraper (dating Taipei World Financial Center) na may naghilerang magagarang establisimyento sa unang palapag at nagtatampok ng napakabilis na elevator patungo sa isang observatory malapit sa tuktok. Kilala rin ang Taipei sa masigla nitong street-food scene at maraming night market, kabilang ang Shilin night market.

Gaya ng mga Pilipino, labis ding pinahahalagahan ng mga Taiwanese sa kanilang kultura ang kaugalian ng pagiging magalang at marespeto sa nakatatanda. At gaya rin sa Pilipinas, mayroong 7-Eleven convenience store sa bawat sulok ng bansa na bukas sa maghapon at magdamag.

Binabati natin ang mamamayan at ang gobyerno ng Republic of China (Taiwan) sa pagdiriwang nila ng ika-105 National Day.