DALAWANG kampo sa Quezon City na nasa magkabilang bahagi lamang ng EDSA ang halos naging tahanan ko bilang aktibong mamamahayag sa loob ng halos 35 taon. Ang Camp Crame, ang kampo ng Philippine National Police (PNP) at ang Camp Aguinaldo, para naman sa Armed Forces of the Philippines (AFP). Kaya nga paborito kong topic ay pulis at military— pag-usapan muna natin ang hinggil sa liderato ng AFP.

Ang pinuno ng AFP ay ang chief of staff (CS), ngunit sa tinatawag na AFP chain of command ay pangalawa lamang ang CS sa Pangulo ng bansa. Sa buong AFP ang CS naman ang nasa tuktok, kaya ang utos niya ang dapat na mamayani. Ang CS ang hari sa buong AFP at ika nga ng matatanda, ang “utos ng hari, hindi nababali.” Kaya naman ang tagumpay ng AFP ay koronang nakapatong sa kanyang ulo ngunit ang kapalpakan naman ay kasiraan sa kanyang buong pagkatao.

Ito ang dahilan kaya importante ang panahong itinatagal ng isang CS sa posisyon—’di maaaring mahaba at ’di rin p’wedeng maikli. Ngunit alam ninyo ba na sa loob nang nagdaang 30 taon ay nagkaroon na ng 28 CS ang AFP? Lumalabas na sa loob ng mga panahong ito ang naging bahagdan nang pagseserbisyo ng mga naging CS ay umabot lamang ng pitong buwan.

Ang problema rito, hindi pa natatapos mag-ikot sa lahat ng kampo sa buong bansa ang CS para makilala siya ng mga sundalo sa “battle front” ay tapos na agad ang termino niya, dahil inabutan na siya ng mandatory retirement na 34 years of service para sa mga nagtapos sa Philippine Military Academy (PMA) o kaya’y 56 na mandatory age retirement ng AFP. Kapag may bagong CS, ganoon uli ang mangyayari, kaya magastos pa kay “Aksyong Aksaya” ang AFP natin.

Night Owl

Isang pribilehiyong maging bahagi ng 125 taong kasaysayan ng Manila Bulletin

Maikli ito at disadvantageous sa buong AFP dahil sobrang magastos kahit saang anggulo sipatin. Sa pensiyon pa lamang ng nagretirong pitong 4-star generals sa loob lamang ng apat na taon, agrabiyado na agad ang AFP. Bukod pa rito ang mga gastos sa pagbabago sa loob ng kampo tuwing bago ang CS para kumita ‘yung mga dealer at supplier na magaling mambola kaya ‘di matigil ang kurapsiyon sa AFP.

Pahimakas – para mabawasan ang pagiging HIGHLY POLITICIZED ng mga nagiging pinuno ng militar at ang maging basehan ng promosyon ay ang mga ACCOMPLISHMENT: lagyan ng FIXED TERM ang CS, AFP!

Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]. (Dave M. Veridiano, E.E.)