Nasawi ang umano’y boyfriend ng pinatay na kapatid ni Maritoni Fernandez, gayundin ang isa pang lalaki, matapos umanong manlaban sa mga awtoridad sa ikinasang buy-bust operation sa Quezon City kahapon. Habang sugatan naman ang isa sa mga operatiba.
Kinilala ng mga pulis ang napatay na suspek na si Leandro Antonio Kanahashi, 33, ng 11th Jamboree Street, Barangay Kamuning. Habang ang kanyang kasabwat, tinatayang nasa 25 hanggang 30 anyos, 5’3” ang taas, at nakasuot ng pulang t-shirt at denim pants.
Natukoy ang pagkakakilanlan ni Kanahashi, unang nakilala sa alyas na “LA”, sa pamamagitan ng driver’s license na natagpuan sa pinangyarihan.
Nadaplisan naman ng bala ng baril si PO2 Juluis Albao, ng DSOU, sa kasagsagan ng engkuwentro.
Bago ang engkuwentro, naglunsad ng buy-bust operation ang mga operatiba ng Quezon City Police District’s (QCPD) anti-illegal drugs unit (DAID) at special operations unit (DSOU) laban kay Kanahashi na, ayon sa pulis, ay isang “notorious and dangerous” drug pusher hindi lamang sa Quezon City, kundi sa iba pang lugar sa Metro Manila.
Sa tulong ng isang impormante, nagawang ilatag ng mga pulis ang transaksiyon kay Kanahashi at kanyang kasabwat at isinagawa dakong 2:00 ng umaga sa Mapagkumbaba St., Area 7 sa Bgy. Botocan, sa tabi ng QCPD headquarters sa Camp Karingal.
Si Kanahashi, matapos ang pekeng transaksiyon, ay kumita ng P15,000 kapalit ng 10 pakete ng hinihinalang shabu. At nang sila’y aarestuhin na ng mga operatiba, mabilis na binunot ni Kanahashi at kanyang kasabwat ang kani-kanilang baril at pinaputukan ang mga operatiba na naging sanhi ng kanilang pagkamatay.
Habang nagpapagaling naman si Albao sa natamong sugat sa kaliwang kamay sa isang ospital.
Napag-alaman ng Balita na magkasintahan umano si Kanahashi at 45 taong gulang na si Aurora Moynihan, kapatid ng aktres na si Maritoni Fernandez, na pinaslang noong Setyembre 10 sa Temple Drive sa Barangay Ugong Norte.