IDINEKLARA ang World Post Day, na ipinagdiriwang tuwing Oktubre 9 ng bawat taon, ng Universal Postal Congress sa Tokyo, Japan, noong 1969 upang gunitain ang anibersaryo ng pagkatatag ng Universal Postal Union (UPU), isang espesyal na ahensiya ng United Nations, noong Oktubre 9, 1874, sa Berne, Switzerland.

Layunin ng World Post Day na maiangat ang kamalayan sa papel ng koreo sa araw-araw na buhay ng mga tao at mga negosyo, pati na rin ang kontribusyon nito sa pandaigdigang pagsulong ng lipunan at ekonomiya.

Pinananatili ang istruktura ng maayos na paghahatid ng mga sulat sa buong mundo, pinangungunahan ng UPU ang 192 kasaping bansa sa pagsasagawa ng mga programa na nakapagsusulong ng mas malawak na kamalayan sa gampanin ng postal services. Patuloy pa ring mahalaga ang serbisyong ito para sa komunikasyon at kalakaran ng mundo, kahit ngayong panahon na ng digital communication. Sa mga lugar at komunidad na may mataas na access sa online, kinakailangan ang postal services sa pamamahagi ng kagamitan na binili sa Internet.

Sumali ang Pilipinas sa UPU noong Enero 1, 1922. Ang Philippine Postal Corporation (PHLPost) ay mayroong 2,000 post office, distribution center, at mailing outlet sa buong Pilipinas, at may transport at delivery fleet na binubuo ng 2,500 mail van at mga motorsiklo.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Ginagamit ng mga postal service sa maraming bansa, kabilang ang PHLPost, ang World Post Day para ipakilala at itaguyod ang mga bagong produkto at serbisyo nila. Ang iba sa mga post office ay nagpaparangal sa mga dedikado at masisipag na empleyado, nag-oorganisa ng mga philatelic exhibit at naglalabas ng mga bagong selyo. Inilunsad ng UPU ang bagong poster para sa 2016 hanggang 2018, na may tatlong strategic pillars—innovation, integration, at inclusion—at ipinakikita ang pagsama-sama ng kaalaman at proseso para makamit ang maayos at murang serbisyo, pati na rin ang pag-uugnay ng mga tao sa buong mundo.

Nagsama angUPU at UNESCO para iorganisa ang taunang pandaigdigang letter-writing competition para sa kabataan. Ang tema ngayong 2016 ay “Write a Letter to Your 45-year-old Self,” para sa ika-45 edisyon ng paligsahan. Nagsasagawa ang PHLPost ng letter-writing day sa mga mall sa buong bansa.

Nagsimula ang postal services noong 1600s nang maraming bansa ang nagtayo ng postage systems at pumasok sa bilateral deal para sa pagpapalitan ng sulat sa pagitan ng mga bansa. Noong 1863, nag-organisa si United States Postmaster General Montgomery Blair ng kumperensiya na may 15 kinatawan mula sa Europe at America na naglatag ng mga mutual agreement para sa international postal services. Noong Setyembre 15, 1874, nagbukas ng kumperensiya si Heinrich Von Stephan, senior postal official ng North German Confederation (ngayon ay bahagi na ng Germany, Poland at Russia) sa kabisera ng Swiss na Berne, na may mga delegado mula sa 22 bansa. Noong Oktubre 9, 1874, nilagdaan ng mga delegado ang Treaty of Berne at itinatag ang General Postal Union, na naging UPU noong 1878, at naging ahensya ng UN noong 1984. Ginanap ang ika-16 na UPU Congress sa Tokyo, Japan noong Oktubre 1 hanggang Nobyembre 16, 1969, na nagdeklara sa Oktubre 9 ng bawat taon bilang World Post Day.