JERSEY CITY, New Jersey (AP) — Aktibo man o hindi, kabilang sa US Team si Tiger Woods para sa Presidents Cup 2017.

Ipinahayag ni US captain Steve Stricker nitong Miyerkules (Huwebes sa Manila) na pinili niya ang 14-time major champion, gayundin sina Ryder Cup captain Davis Love III at three-time Presidents Cup captain Fred Couples, na maging assistant niya sa pagsabak ng Americans sa prestihiyosong torneo sa Liberty National.

Kasama naman ni International team captain Nick Price bilang mga assistant sina Ernie Els, Geoff Ogilvy at Tony Johnstone.

Kabilang si Woods sa assistant staff ni Love sa Hazeltine sa nakalipas na weekend kung saan naagaw ng US sa Europe ang Ryder Cup title.

Akari Sports wala pang balak pasukin ang PBA

Nauna nang ipinahayag ni Woods ang planong magbalik-aksiyon sa susunod na linggo matapos ang mahigit isang taong pamamahinga dulot ng operasyon sa likod.

Bunsod nito, umaasa si Stricker na makakasama si Woods bilang player sa Liberty National, ngunit kung hindi naman itulot ng tadhana mainam pa rin siya bilang assistant captain.