Pinadapa ng De La Salle University ang Ateneo de Manila , 67-57, sa pagtatapos ng first round ng UAAP Season 79 Women’s Basketball Tournament kahapon sa MOA Arena sa Pasay City.

Nagsalansan si Lady Archers captain Camille Claro ng 16 puntos kasunod si Khate Castillo na may 15 puntos upang pamunuan ang panalo.

Mula sa 20-34 pagkakaiwan sa halftime, nagbanta pa ang Lady Eagles matapos idikit ang laban sa iskor na 52-55 may 3:50 ang nalalabi sa laro.

Ngunit, rumatsada ang Lady Archers at nagtala ng 12-3 blast na tinampukan ng apat na sunod na puntos ni Claro upang selyuhan ang panalo.

Akari Sports wala pang balak pasukin ang PBA

Nag-ambag si Snow Peñaranda sa natipang walong puntos, 16 rebound, apat na assist, dalawang block at isang steal.

Dahil sa panalo, tumapos ang Lady Archers na No.2 sa first round hawak ang barahang 6-1, habang bumaba ang Lady Eagles sa 2-5 marka.

Sa isa pang laro, pumangatlo ang University of the East matapos iposte ang 69-57 panalo kontra Adamson para sa 5-2 karta.

Pinangunahan ni Joyce Francisco ang panalo sa naiskor na 15 puntos at 17 rebound. - Marivic Awitan