Nasa 13 katao ang nasugatan makaraang bumangga sa center island at tumagilid ang isang pampasaherong jeepney sa Mandaluyong City, kahapon ng umaga.

Dakong 8:00 ng umaga at bumibiyahe ang jeep (DGJ-805) na minamaneho ng 19-anyos na si Josua Conson, ng Taytay, Rizal, sa westbound side ng Ortigas sa Mandaluyong nang mawalan ito ng preno hanggang sa sumalpok sa center barrier at tumagilid.

“Nawalan daw ng preno ‘yung jeep kaya ibinangga niya (Conson) sa barrier at tumagilid,” sabi ni SPO4 Roberto Posadas, hepe ng traffic investigation section ng Mandaluyong.

Nawasak ang unahang bahagi ng jeep, na may rutang San Juan-Rosario, gayundin ang mga unahang gulong nito at mga upuan.

Pagdagsa ng mga pasahero sa PITX, inaasahang papalo ng 3 milyon ngayong holiday season!

Sinagot naman ng jeepney operator ang pagpapagamot sa mga nasugatang pasahero, ayon kay Posadas.

Kakasuhan ng reckless imprudence resulting to injury si Conson, na nakapiit na ngayon sa himpilan ng Mandaluyong City Police. (Jenny F. Manongdo)