HIT na hit ngayon sa mga motorista ang dashboard camera, o mas kilala bilang “dashcam.”

Ang mga video na nakunan ng mga ito ang naglilitawan hindi lang sa iba’t ibang social media networking site kundi maging sa mga television news program.

Dahil sa video recorder, nakukuhanan ang iba’t ibang nangyayari sa lansangan, tulad ng banggaan, taong nasagasaan, lumabag sa batas trapiko, sasakyang nagpapagewang-gewang o motorsiklo na biglang tumawid sa harap ng sasakyang may dashcam.

Ang dashcam ay karaniwang nakakabit sa dashboard upang makuhanan nito ang pangyayari sa harap ng isang sasakyan.

National

PBBM sa National Teacher's Day: 'I wish you a joyful and productive celebration'

Sa South Korea, obligado ang may-ari ng mga sasakyan na gumamit nito, hindi lang sa harapan kundi maging sa hulihang bahagi nito upang makuhanan din ang mga nangyayari sa likuran ng kotse.

Mantakin n’yo, kapag ini-rewind at ipinakita ng driver ng isang sasakyan na nasangkot sa banggaan ang nilalaman ng video sa dashcam, malamang ay manginginig na ang nakabangga sa kanya dahil posibleng magamit ito bilang ebidensiya.

Makikita rin sa video footage ang petsa at oras na nangyari ang aksidente. Bukod dito, makikita ang bilis ng sasakyan sa mga oras na iyon.

Sari-saring dashcam ngayon ang ibinebenta sa merkado. Mayroong mabibili ng P1,000, habang ang iba ay umaabot sa halos P10,000, depende sa resolution at features ng video.

May mga dashcam na may built-in global positioning system (GPS) para mai-record ang lokasyon ng sasakyan habang ay may malaking memory capacity at LCD display.

Nakamamangha itong gadget na ito, dahil malaking tulong ito sa pagresolba sa aksidente; upang matukoy kung sino ang may kasalanan at agad na mapanagot sa batas.

Ngunit kung inyong maoobserbahan, kakaunti pa lang sa hanay ng mga motorista sa bansa ang gumagamit ng “wonder gadget” na ito.

Marahil dahil umiiwas sa gastos o kaya’y hindi bilib sa features nito. Mayroon ding mga motorista na madaling malito sa pagkalikot sa mga gadget. Kumbaga’y sila ang mga tinaguriang “utak old school.”

Kasama si Boy Commute sa pagsusulong sa pagbalangkas sa isang panukala upang gawing batas ang pagkakabit ng dashcam sa bawat sasakyan sa bansa.

Siyempre, maraming pulitiko ang magmamagaling at magdudunung-durungan upang kontrahin ito. Tama na ang political grandstanding n’yo, puwede ba?

Malaki ang posibilidad na maraming pulitiko ang eeksena upang harangin ito base sa kanilang paniniwala na “ito ay magiging pabigat lang sa bulsa ng mga ordinaryong motorista.”

Hoy, lumang tugtugin na ‘yan! (ARIS R. ILAGAN)