Binawian ng buhay ang isang lalaking kilala sa alyas na “Totoy” matapos siyang pagtulungang bugbugin ng tatlong magkakapatid na lalaki na nagalit nang sirain niya ang kulungan ng panabong ng isa sa mga suspek sa Sampaloc, Maynila, nitong Linggo ng gabi.

Kinilala ang biktima na si Ferdinand De Castro, alyas Totoy, 47, pedicab driver at residente ng Geronimo Street, Sampaloc.

Kinilala naman ang mga suspek na sina Ryan Alfaro, 37, driver; Christopher Alfaro, 20; at 17-anyos nilang kapatid, pawang malayong kaanak ng biktima at residente rin sa nabanggit na lugar.

Batay sa pagsisiyasat ni SPO3 Milbert Balinggan, ng Manila Police District-Crimes Against Persons Investigation Section (MPD-CAPIS), nangyari ang insidente dakong 6:45 ng gabi sa Geronimo Street, makaraan umanong sirain ni De Castro ang kulungan ng panabong ni Ryan.

15 public schools sa Davao City, nagsuspinde ng face-to-face classes para sa kaarawan ni FPRRD

Sa galit ni Ryan sinugod nilang magkakapatid ang biktima upang kumprontahin pero hindi lumabas ng bahay ang huli kaya nilaslas ng binatilyong suspek ang canvass ng pedicab ni De Castro, habang sinira naman ni Christopher ang screen door ng bahay ng biktima.

Patungo si De Castro sa barangay kasama ang kapatid na si Ma. Teresa Daet para ireklamo ang magkakapatid na Alfaro nang harangin sila ng mga ito at pinagtulungang bugbugin ang biktima hanggang sa mawalan ng malay.

Matapos awatin ang pambubugbog ay isinugod ni Daet ang kapatid sa Ospital ng Sampaloc ngunit patay na ito.

Si Ryan pa lang ang naaaresto ng pulisya at pinaghahanap na ang dalawang kapatid niya. (MARY ANN SANTIAGO)