Tinadtad ng bala hanggang sa napatay ng kanyang landlord ang isang pulis matapos umanong makialam at umawat sa away sa pagitan ng suspek at dati nitong kinakasama sa Malate, Maynila, kahapon ng madaling araw.

Anim na tama ng bala sa likod ang natamo ni PO1 Alwin Kirk Gonzales, 27, mag-iisang taong nakatalaga sa Manila Police District (MPD)- Station 9 at residente ng 143-A Balagtas Street, Malate, Maynila.

Habang tinutugis na ngayon ang tumakas na suspek na si Eli Matthan Sumampong, alyas Jonathan, 33, negosyante, at residente ng 2909 City Land Tower I, Pablo Ocampo St., Malate, Maynila.

Si Sumampong umano ang may-ari ng inuupahang kuwarto ng biktima sa Malate.

Batay sa imbestigasyon ni PO3 Ryan Jay Balagtas, imbestigador ng MPD-Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS), nangyari ang pamamaril dakong 2:58 ng madaling araw.

Probinsya

Lalaking angkas ng motor, patay matapos sumabit sa nakalaylay na kable sa kalye!

Bago ang pamamaril, humingi umano ng tulong sa biktima ang kanilang mga kapitbahay dahil sa komosyong nagaganap sa pagitan nina Sumampong at dati niyang kinakasama na si Girly Espiritu, 33.

Bumaba naman umano ang biktima at inawat ang pag-aaway ng dalawa upang maiwasan ang pisikal na pagsasakitan.

Sa pag-aakalang maayos na ang lahat ay pumasok na ng bahay si Gonzales upang makapagpahinga, ngunit bigla na lamang siyang pinagbabaril ni Sumampong sa likod. (MARY ANN SANTIAGO)