Pumalo na sa siyam na katao ang bilang ng mga taong tinamaan ng Zika virus ngayong taon, matapos na iulat ng Department of Health (DoH) na anim na katao pa ang nakumpirma nilang dinapuan ng naturang sakit sa tatlong lalawigan sa bansa.
Ayon kay Health Spokesman Dr. Eric Tayag, apat pang kaso ng Zika virus ang naitala sa Iloilo City, isa sa Cebu City at isa sa Laguna.
Ang mga biktima ay pawang mga babae aniya at nagkakaedad ng siyam na taong gulang hanggang 49-taong gulang.
Nilinaw naman ni Tayag na ang apat na kaso ng sakit na naitala sa Iloilo ay walang kinalaman sa unang tatlong kaso na naitala nila roon dahil lahat sila ay nakatira may 10-kilometro ang layo mula sa tahanan ng mga naunang pasyente.
Pawang wala ring kasaysayan ng pagbiyahe sa ibang bansa ang mga biktima at nakuha lamang nila ang virus sa pamamagitan ng kagat ng lamok.
Maliban aniya sa mga rashes ng mga ito ay nasa maayos nang kalagayan ang mga pasyente.
Samantala, nilinaw naman ni Tayag na hindi nila inirekomenda sa mga buntis ang pagbabawal na bumiyahe sa Iloilo City.
Ang ipinapayo aniya nila ay makipagkita muna ang mga ito sa kanilang mga doktor at humingi ng instruksiyon sa kanilang ipinagbubuntis kung sila ay bibiyahe sa lugar.
Aniya pa, maaaring ideklara na Zika virus free ang Iloilo sa sandaling wala nang bagong kaso ng sakit na maiuulat sa lugar sa loob ng 45 araw. (Mary Ann Santiago)