stephanie_sol-copy

Ngayong Sabado (Setyembre 24) sa Karelasyon, bibigyang-buhay ni Kapuso actress Stephanie Sol ang kuwento ng isang babaeng nangangarap sumikat.

Matagal nang pangarap ni Vanni (Stephanie Sol) na maging sikat na modelo at artista, ngunit hindi pa rin siya nabibigyan ng “big break”. May angking ganda at talino ang dalaga pero kulang sa mga tamang koneksiyon sa industriya.

Kaya naman nang makilala niya ang photographer na si Edison (Marc Abaya), hindi na siya nagdalawang-isip pa na kaibiganin at akitin ang binata para lang maipakilala siya sa mga kaibigan nitong direktor at producer. Sa katunayan, handa nang itaya ni Vanni ang kanyang pagkatao at linlangin hindi lang si Edison kundi pati na rin ang kanyang mabait na boyfriend na si Andrei (Jak Roberto) para lang sumikat.  

Human-Interest

KILALANIN: Si Pope Leo XIV—ang Santo Papa na aktibo sa social media

Hanggang saan ang kayang ibigay ni Vanni para sa pag-abot ng kanyang ambisyon? Tuluyan na nga ba niyang ipagpapalit ang pag-ibig ni Andrei para sa pansarili niyang pangarap? Paano kung si Edison pala ay iba sa una niyang pagkakakilala at si Vanni pala ang magagamit at mapaglalaruan?   

Mula sa panulat ni James Harvey Estrada at direksiyon ni Rember Gelera ang kuwentong tampok ngayon sa Karelasyon na pagbibidahan nina Stephanie Sol, Marc Abaya, Jak Roberto, at Tammy Brown.

Napapanood ang Karelasyon kasama si Carla Abellana tuwing Sabado, pagkatapos ng #Like sa “Sabado 4D Win” ng GMA.