NANG matunghayan ko sa isang pahayagan ang mistulang pagbabangayan ng mga Senador samantalang tila inaawat naman ng isa pang Senador, bigla kong naalala ang ating mga Senador noong dekada 60-70.
Naglantad ito ng malaking pagkakaiba ng mga sinauna at ng kasalukuyang henerasyon ng mga mambabatas, lalo na kung isasaalang-alang ang pagtalakay sa mga makabuluhang isyu sa kapakinabangan ng sambayanan; hindi ang paglalahad ng walang kapararakang mga bagay na nagpapasiklab sa pagkakawatak-watak ng lipunan.
Isinasaad sa ulat na ang pagbabangayan ng mga mambabatas – sina Sen. Leila de Lima, Sen. Antonio Trillanes at Sen. Alan Cayetano – ay naganap sa kainitan ng Senate hearing hinggil sa sinasabing extrajudicial killings (EJK). Sa pagtalakay sa naturang nakadidismayang eksena, hindi na natin bubusisiin pa ang masasalimuot na detalye na tulad ng mga haka-haka na ang nasabing imbestigasyon ay naglalayon umanong pabagsakin ang Duterte administration; kung ang mga testimonya ng testigo na si Edgar Matobato ay pawang mga kathang-isip o fiction at walang katotohanan; kung bakit nagkaroon ng patayan ng mikropono sa kainitan ng talakayan, at iba pa.
Sapat nang mapatunayan natin na hindi nagkaroon ng urbanidad sa pagpapalitan ng paninindigan ng mga mambabatas; na hindi nagkaroon ng pagpapahalaga sa tunay na diwa ng ‘good manners and right conduct’ na dapat ay isinasapuso ng lahat, lalo na ng mga itinuturing pa namang mga ‘honorable’.
Totoo na ang ating mga sinaunang Senador ay naging mainit din sa pagtalakay ng mga makatuturang isyu; na ang ilan sa kanila ay nakapag-aalsa-boses at nanggagalaiti. Subalit ang ganitong eksena ay naglalantad lamang ng kanilang paggamit ng lohika at talino sa paglilinaw ng mga masasalimuot na bagay na dapat malinawan ng mga mamamayan.
Sino ang hindi hahanga at matitinag sa pagdidiskurso, halimbawa, nina Sen. Arturo Tolentino, Sen. Jovito Salonga at maraming iba pa? Sayang. Hindi dumami ang kanilang lahi sa Kongreso.
Walang may monopolyo, kung sabagay, ng pagbabangayan sa Kongreso, lalo na nga sa Senado. Sa Taiwan, halimbawa, naganap din ang hindi kanais-nais na bangayan ng mga mambabatas. Ang bulwagan ng mga mambabatas ay nagmistulang eksena ng away-kalye, wika nga. Ang mga miyembro ng parlyamento na todo-bihis pa naman ay naghagisan ng silya; naghabulan at nagsampahan sa mesa.
Kahit na ano ang sabihin ng sinuman, naghahatid ng nakadidismayang hudyat ang pagpapamalas ng ilang mambabatas ng kawalan ng wastong asal o ‘good manners and right conduct.’ (Celo Lagmay)