Inabangan muna at pinagbabaril hanggang sa mapatay ang isang caretaker bago tuluyang nakawan ng apat na lalaki sa Tondo, Maynila, kahapon ng madaling araw.

Agad ikinamatay ni Edwin Lasap, 46, ng Aroma, Temporary Housing, Barangay 105, Zone 8, District 1, Road 10, Tondo, Maynila ang tinamong dalawang tama ng bala sa ulo.

Tinutugis na ng mga awtoridad ang apat na ‘di kilalang armado na nagsitakas matapos ang krimen na nakunan ng closed-circuit television (CCTV) camera.

Sa ulat ni SPO3 Milbert Balinggan kay Manila Police District (MPD)-Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS) chief Police Sr. Insp. Rommel Anicete, dakong 12:15 ng madaling araw nangyari ang pamamaril sa gilid ng Building 19, sa Aroma, Temporary Housing, Road 10, Tondo, malapit sa bahay ng biktima.

Sakay ng kanyang e-bicycle ang biktima at pauwi na sana nang barilin ng siya sa ulo ng isa sa mga suspek dahilan upang siya’y bumulagta sa semento.

PBBM, pinasilip anniversary dinner nila ni FL Liza

At kahit wala nang malay, ‘di pa nakuntento ang isa sa mga suspek at nilapitan ang biktima saka muling binaril sa ulo at tinangay ang mahahalagang gamit ng biktima bago tuluyang tumakas.

Mariin namang itinanggi ng asawa ng biktima na si Hilda na gumagamit o nagtutulak ng ipinagbabawal na gamot ang kanyang mister.

Patuloy ang imbestigasyon sa insidente. - Mary Ann Santiago