Walumpung katao, kabilang ang ilang miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG), na umano’y tulak at adik ang naaresto ng mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) sa isinagawang Oplan Tokhang at Oplan Galugad sa isang drug den sa Quezon City, kahapon ng umaga.
Sa report ni QCPD Director Police Sr. Supt. Guillermo Lorenzo T. Eleazar, dakong 11:00 ng umaga, sinalakay ng mga operatiba ng Talipapa Police Station 3, sa pangunguna ni Police Supt. Danilo Mendoza, ang drug den sa Salam Mosque compound, Barangay Culiat, Quezon City at kanilang naaresto ang 80 tulak at adik.
Dinala ang mga umano’y miyembro ng ASG, pawang hindi pa pinapangalanan, sa headquarters ng Philippine National Police (PNP) sa Camp Crame para sa imbestigasyon at pagsasampa ng kaso. (Jun Fabon)