SA isyu ng pagsugpo ng krimen isinandig noon ni Pangulong Duterte ang kanyang kampanya para sa kanyang kandidatura sa panguluhan. Ipinangako niya na tutuparin ito sa loob ng 3 hanggang 6 na buwan. May mga hindi naniwala sa kanya. Unang-una na nga ay iyong mga nanalig sa due process at human rights.
Dahil gobyerno tayo ng batas at hindi tao, ang paniniwala nila ay lalabanan ng pangulo ang krimen sa paraan na isinasaad ng batas.
Eh, ang proseso sa ilalim nito ay umuubos ng panahon. May mga nagsasabi na baka tapos na ang kanyang termino ay iiwanan niya ang krimen na tinatawanan siya. At higit na kumakantiyaw sa kanya, bagamat palihim, ay ang mga taong may tangan ng kapangyarihan ng gobyerno.
Alam nila kasi kung gaano kalaki at kalawak ng krimen dahil sangkot sila rito.
Pero, ang malaking bulto ng mga manghahalal ay naniniwala kay Pangulong Digong. Ang mga ito ay iyong tinakot ng nakaraang administrasyon na walang kakayahan ang gobyerno na labanan ang krimen. Ito iyong mga natakot sa araw-araw na balita kaugnay sa panggagahasa, patayan, kidnapan at iba pang karumal-dumal na krimen.
At karamihan sa napabalitang salarin ay mga lulong sa ilegal na droga. Ang takot nila ay baka sila na ang sumunod na mabiktima.
Ang puwersa ng mga na naniwala kay Pangulong Duterte ang ginagamit niya sa pagbaka sa krimen. Dahil maikli ang panahong ipinangako niya para masugpo ito, shortcut ang pamamaraang ginamit niya at ginagamit pa.
Hindi siya nag-atubiling gamitin ang dahas sa mga sinasabi niyang mga lulong na sa droga dahil pinaliit na raw ng bawal na gamot ang kanilang utak at inutil na ang anumang hakbang para sila’y magbago. Ang due process at human rights ay isinantabi niya dahil, para sa kanya, sagabal ang mga ito.
Kung pumapatay ang mga gumagamit at sangkot sa droga, kailangan patayin din sila ng gobyerno. Ito ang uri ng hustisyang nagbuhat sa dulo ng baril.
Ang puwersa ring ito na naniwala kay Pangulong Duterte ang nagtulak dito para sabihin kay Pangulong Widodo ng Indonesia na sundin nito ang batas nila.
Binibitay sa Indonesia sa pamamagitan ng firing squad ang sinumang napatunayang sangkot sa droga.
Kaya, tama lang ang pagkakaintindi ng Pangulo ng Indonesia na binigyan na siya ni Pangulong Digong ng “go signal” na bitayin na si Mary Jane Veloso na pansamantalang nalusutan ito sa pakiusap ng administrasyong hindi naniwala sa pamamaraan ni Pangulong Duterte sa pagsugpo sa krimen. (Ric Valmonte)