DAHIL sa pagmamadali, sumakay si Boy Commute sa isang ordinaryong taxi sa halip na mag-jeepney papunta sa kanyang opisina.
Bagamat rush hour na, madali siyang nakakuha ng taxi cab malapit sa kanyang bahay sa Parañaque patungo sa Pasig City.
‘Tila marami pa ring mga pasahero ang nagtitipid kaya tinatangkilik pa rin ang mga bus at jeepney kaysa sumakay sa taxi.
Subalit hindi pa rin lubusang masuwerte si Boy Commute sa araw na iyon.
Napansin niya na pilit na idinadaan ng driver ang sasakyan sa matatrapik na lugar.
“Manong driver, bakit d’ yan ka dumaraan, eh, alam mo naman siguro na palaging traffic d’yan?” tanong ni Boy Commute.
“Sorry, boss, ito kasi ang madalas na daanan ko at madalas ko rin matiyempuhan na maluwag ang traffic dito,” hirit ng driver habang nagkakamot ng ulo.
“Bakit hindi ka gumamit ng Waze app? Marami nang driver ang gumagamit nun kaya nakakaiwas sa traffic,” dagdag ng pasahero.
Ayon sa driver, wala siyang bilib sa mga high-tech device tulad ng Waze app.
Aniya, pampagulo lang ang naturang gadget sa buhay bukod sa mahal pa.
Kaya sa halip na maniwala si Mamang Driver sa Waze, hinuhulaan niya ang mga lugar na kanyang daraanan sa paniniwalang walang trapik doon.
Pinaliwanagan ni Boy Commute si Mamang Driver sa magagandang feature ng Waze, tulad ng pagtukoy sa mga lugar na masikip ang daloy ng mga sasakyan at alternatibong daanan upang makaiwas sa trapik.
Bukod dito, ipinakita rin ni Boy Commute ang kanyang android cellphone, at doon makikita sa Waze app ang bilis ng takbo ng taxi, estimated time of arrival sa kanilang destinasyon, at kung saan nakapuwesto ang mga pulis sa kanilang mga daraanan.
Namangha si Mamang Driver sa mga feature ng Waze app.
Laking gulat niya nang ipakita ni Boy Commute na kayang ituro ng Waze ang direksiyon sa lahat ng lugar na nabanggit ni Mamang Driver.
Sa pamamagitan ng teknolohiya ng global position system o GPS, ipinakikita rin sa Waze app ang mga gasolinahan at iba pang landmark upang gabayan ang mga gumagamit nito sa kanilang destinasyon.
“Mahal ba ‘yang Waze app?” tanong ni Mamang Driver.
“Libre ‘yan kapag may android phone ka,” sagot ni Boy Commute.
Hindi pa rin kinagat ni Mamang Driver ang paliwanag ng kanyang pasahero.
Sa kanyang pagmamaneho ng halos 30 taon, naniniwala pa rin si Mamang Drive sa kanyang kutob sa pagpili ng daraanan upang makaiwas sa traffic. (ARIS R. ILAGAN)