KINONDENA ng European Union (EU) at ng France ang pagpapasabog sa Roxas night market sa Davao City noong Biyernes ng gabi na ikinamatay ng 15 tao at ikinasugat ng 71 iba pa na ang 16 ay kritikal. Itinaon pa ang karahasan sa biyahe ni President Rodrigo Roa Duterte (RRD) sa 49th Association of Southeast Asian Nations (Asean) Summit sa Laos. Dahil sa explosion, kinansela ni President Rody ang unang araw na biyahe sa Brunei upang makapulong si Sultan Hassanal Bolkiah at makausap ang Filipino community doon.

Maituturing na isang malaking insulto at kahihiyan ang pagsabog sa Davao City kay Mano Digong na laging ipinagmamalaki ang kanyang siyudad bilang “one of the safest cities in the world.” Bukod dito, pinili pa ng mga demonyong bomber na mismong sa Davao City isagawa ang karumal-dumal na krimen upang marahil ay ipamata kay RRD na ang kanyang pagka-macho ay kaya nilang tapatan. Sabi nga ng isang observer: “Puwede namang gawin ng mga bomber o terorista ang pagpapasabog sa ibang mga lugar, gaya sa Cebu, Tacloban City, Bacolod City at iba pa, pero mismo sa Davao City na home city ng pangulo isinagawa ang explosion bilang insulto at sampal sa mukha ni President Duterte.”

Nagkakaisa ang mga Pinoy sa pagkondena sa pagsabog na ikinamatay ng mga inosenteng sibilyan na nais mag-enjoy kung Friday night sa lungsod. Samantala, nagbabala si Sen. Leila de Lima na hindi dapat gamitin ng Pangulo ang tinatawag na “Wag the Dog” kaugnay ng (hindi kaugnay SA) naganap na Davao City night market explosion.

Ang pagsabog ay nangyari sa gitna ng all-out war ni Mano Digong laban sa Abu Sayyaf Group (ASG) na nais niyang pulbusin at sa illegal drugs na talamak sa buong bansa na nagreresulta umano sa EJK (extrajudicial killings) at collateral damage sa mga sibilyan, kabilang ang mga bata at dumadalaw na Overseas Filipino Workers (OFWs), na napapatay umano sa police operations.

Ang “Wag The Dog” na ginamit na paghahambing ni De Lima, ay isang movie noong 1997 na pinagbidahan nina Robert de Niro at Dustin Hoffman, tungkol sa pangulo ng US na lumikha ng isang “war scenario” upang pagtakpan ang isang sex scandal. Sa kaso ng Davao City explosion, ang “Wag the Dog” ay hinggil umano sa paggamit ng terrorist attacks ng ASG upang makalikha ng senaryo ng conspiracy laban sa Estado o gobyerno na kagagawan ng drug lords, terorista at lehitimong political opposition tulad ng Liberal Party.

Sinabi ng may “yagbols” na senadora na ang idineklarang “state of lawlesness” ay nangangahulugan lamang na ang Pangulo ay awtorisado na tawagan at atasan ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) na paigtingin ang paglaban at pagsugpo sa “lawless violence.” Hindi ito dapat gamitin sa pag-suppress sa civil liberties ng mga mamamayan.

Tinawagan ni Sen. Leila si PNP Chief Ronaldo “Bato” dela Rosa at isang “well-known idealogue” ng Duterte administration na posibleng gumagawa umano ng mga senaryo na ang explosion ay isang uri ng “narco-terrorism”, o kaya naman ay pinopondohan ng political oppostion nang walang kaukulang beripikasyon at validation.

By the way, merong bang “lawful violence” kumpara sa “lawless violence”? Hindi ba’t lahat ng uri ng karahasan ay lawless o labag sa batas? Marahil ay angkop na tawagin na lang itong “State of Lawlessness”. (Bert de Guzman)