BAGO pa man naganap ang kahindik-hindik na pagpapasabog sa Davao City noong Biyernes ng gabi, na kumitil sa 14 na katao at ikinasugat ng 68, ay nagpahiwatig na ang Abu Sayyaf group na gagawin nila ito ngayong linggong ito mismo.
Nagpahaging na ang tagapagsalita ng ASG na si Abu Rami, sa pamamagitan ng text message na kanyang ipinadala sa mga taga-media. Biglaan ang pagsulpot ni Rami upang ipaalam sa media ang sagot ng kanilang grupo sa malawakang kampanya ng militar sa mga kampo ng ASG sa Basilan at Jolo matapos ipag-utos ni Pangulong Rodrigo R. Duterte na durugin ang kampo ng mga terorista.
Sinimulan ng militar ang kanilang malawakang operasyon laban sa mga teroristang ASG sa Jolo, Sulu nitong Agosto 26, 2016. Sa mainit na bakbakang ito, umabot na sa 30 ASG at 15 militar ang nangamatay sa labanan.
“Kami naman ang aatake,” ang pahayag ni Rami. Idinugtong pa ni Rami na sa unang araw ng Setyembre 2016 daw nila isasagawa ang pag-atake sa mga “sundalo ni Duterte”.
Sa mga pahayag na ito ni Rami, kahit hindi ako eksperto, ang magiging konklusyon ko ay: Nakahanda na ang ASG sa ano mang plano nila at isasagawa iyon, hindi man sa mismong araw na nabanggit, ay malamang na sa unang linggo pa rin ng kasalukuyang buwan.
Kadalasan sa mga bantang katulad nito, Metro Manila ang laging target dahil nandito ang “seat of government” ngunit sa pagkakataong ito, naisip ko na dahil sa sobrang galit nila kay Pangulong Rodrigo R. Duterte (PRRD), hihiyain nila ito sa ipinagmamalaki nitong “crime-free” ang Davao City at dito sila magsasabog ng lagim– at naganap na nga.
Ngunit nakapagtatakang hindi yata ito “NABASA” ng ating mga ekspertong nag-aanalisa ng mga intelligence information.
Sa halip, itinuring lamang nila itong propaganda o diversionary tactics ng mga terorista.
Naging kampante kayat napalusutan sila ng mga ASG. ‘Di na nila na-monitor ang planong paglalagay ng bomba sa night market sa Davao City.
Dalawang araw matapos ang pagpapasabog sa Davao City, agad inamin ni Rami na ito’y kanilang kagagawan.
“Yun ay pauna lamang, dahil kung titingnan natin ay parang itinarget niya talaga ang Jolo, Sulu, kaya gaya nga ng sinabi namin na itatarget din namin kung saan siya nanggaling,” sabi ni Rami.
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected] (Dave M. Veridiano, E.E.)