Isa na namang lalaki na umano’y sangkot sa ilegal na droga ang pinagbabaril hanggang sa napatay ng dalawang armado sa Parañaque City nitong Lunes ng gabi.
Dead on the spot si Carlo Luis Bravante, alyas “Long Hair”, nasa hustong gulang, barker, ng Seaside, Barangay Tambo ng nasabing lungsod, sanhi ng mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Sa ulat na natanggap ni Parañaque City Police Chief Sr. Supt. Jose Carumba, dakong 7:00 ng gabi kamakalawa nangyari ang pamamaril sa MIA Road, Bgy. Tambo.
Abala umano si Bravante sa pagtatawag ng pasahero nang sumulpot ang mga armado na sakay sa motorsiklong walang plaka at walang habas na pinagbabaril nang malapitan ang biktima.
Base sa imbestigasyon, kilalang drug pusher si Bravante sa Bgy. Tambo.
Patuloy ang imbestigasyon sa insidente. (Bella Gamotea)