Tadtad ng tama ng bala ang bangkay ng isang lalaki na malupit umanong isnatser nang matagpuan sa madilim na bahagi ng isang kalye sa Pasay City, kahapon ng madaling araw.
Kinilala ang biktima sa alyas na “Junjun”, nasa hustong gulang, nakasuot ng itim na t-shirt at berdeng short pants.
Sa inisyal na ulat ng Pasay City Police, pasado 2:00 ng madaling araw nang matagpuan ang bangkay ni Junjun at nakatali, gamit ang packaging tape, ang mga kamay nang madiskubre sa Tripa De Galina, Barangay 46, Zone 6.
Sa nakalap na impormasyon ng pulisya, kilala umanong isnatser ang biktima sa kanilang lugar, nakulong na rin umano ito at kabilang sa watchlist ng barangay.
Wala namang narinig na putok ng baril ang mga residente sa lugar kasunod ng pagkakatagpo sa bangkay nito.
Inaalam pa ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng suspek at ang motibo sa pamamaslang. (Bella Gamotea)