RIO DE JANEIRO (AP) — Alamat na lamang ang dominanteng opensa ng US Dream Team. Sa nakalipas na dalawang edisyon ng Olympics, natapos sa pahirapan at klasikong tagpo ang kampeonato.

At walang ipinag-iba ang Rio Games.

Laban sa Spain, naging karibal ng Americans sa huling dalawang championship duel sa Olympics, kinailangan nila ang seryosong opensa at depensa para mailusot ang 82-76 panalo at makausad sa gold medal round sa ikatlong sunod na edisyon nitong Biyernes (Sabado sa Manila).

“It was just a real different game today,” pahayag ni US coach Mike Krzyzewski.

6 koponan nagbabalak ligwakin ang PVL; lilipat daw sa bagong liga?

Hataw si Klay Thompson sa natipang 22 puntos para sa Americans.

Makakaharap nila sa finals ang Serbia.

Kumana ng 22 puntos si Milos Teodosic para sandigan ang Serbia sa sopresang 87-61 panalo kontra sa liyamadong Australia. Nag-ambag si Stefan Markovic ng 14 puntos, habang tumipa si Nikola Jokic ng Denver Nuggets ng 11 rebound.

Ito ang unang pagkakataon na lalaban ang Serbia sa Olympic gold medal bilang isang independent nation. Nakahulagpos ang Serbia sa bigkis ng Yugoslavia Federation noong 2006.

Maging sinuman ang makaharap, walang problema para sa all-NBA stars.

“This is where we wanted to be,” sambit ni Kevin Durant.

“We talked about it all summer and to be here for the final game, to win the gold, for all the marbles, we like our chances.”

Ginapi ng Americans ang Spaniards sa finals noong 2008 Beijing, 118-107, at sa 2012 London Games, 107-100.

“It’s an amazing feeling now,” pahayag ni center DeAndre Jordan.

“We really want to accomplish this.”

Ito ang pinakamababang iskor na naitala ng Americans sa Olympics mula nang malimitahan ng Argentina sa 81 puntos na kabiguan sa semifinals noong 2004 Games.