Dalawang tama ng bala sa mukha ang tumapos sa buhay ng isang lalaki na binaril ng ‘di kilalang suspek habang naglalakad papauwi mula sa dinaluhang birthday party sa Binondo, Manila, kahapon ng madaling araw.

Dead on the spot si Jerome Roa, 27, ng Gate 17, Area H, Barangay 275, Parola Compound, Binondo.

Mabilis na tumakas ang suspek matapos ang pamamaril na naganap dakong 12:30 ng madaling araw, sa harapan ng Gate 64, MICP Road, Bgy. 275, Zone 25, District 3, Parola Compound.

Sa imbestigasyon ni PO2 Dennis Turla, na isinumite sa tanggapan ni Police Sr. Ins. Rommel Anicete, hepe ng Manila Police District (MPD)-Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS), nabatid na bago mangyari ang pamamaril ay dumalo sa isang birthday party ang biktima malapit sa pinangyarihan.

National

Dahil sa bagyong Gener: 19 lugar sa Luzon, Signal No. 1 pa rin

Nakarinig na lang umano ang mga residente sa lugar ng magkakasunod na putok ng baril at nang kanilang tingnan ay bumulaga ang nakahandusay na biktima sa driver’s side ng nakaparadang tricycle.

Bigo naman ang mga awtoridad na makakalap ng sapat na impormasyon upang matukoy ang pagkakakilanlan ng suspek at motibo nito.

Patuloy ang imbestigasyon sa kaso. (Mary Ann Santiago)