Napatay ng mga pulis ang isang lalaki na umano’y naaktuhang bumabatak ng shabu sa kanilang pagsalakay sa isang drug den sa Binondo, Manila, nitong Biyernes ng gabi.
Kinilala ng mga pulis ang napatay na suspek na si Alvin Arbuis, 25, miyembro ng Batang City Jail, at residente ng 565 Valderama St., Binondo, Manila.
Ayon kay PO3 Bernardo Cayabyab, imbestigador ng Manila Police District (MPD)-Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS), nakatanggap ng ulat ang mga tauhan ng San Nicolas Police Community Precinct (PCP) ng MPD-Station 11 hinggil sa nagaganap na pot session sa tahanan ni Arbuis kaya kaagad itong sinalakay dakong 6:15 ng gabi.
Naaktuhan namang bumabatak ng shabu si Arbuis at dalawa pa nitong kasama, at nang makita sila ng mga ito ay kaagad umanong bumunot ng baril ang suspek at nagpaputok.
Hindi naman nag-aksaya ng panahon ang mga awtoridad at tuluyang pinaputukan ang suspek na naging sanhi ng pagkamatay nito. (Mary Ann Santiago)