ANYARE sa ex-lovers na Andi Eigenmann at Jake Ejercito at sa social media pa talaga sila nagtatalakan? Bakit hindi na lang sila mag-usap nang personal o kaya i-private message nila ang isa’t isa kung ano ang gusto nilang sabihin para hindi buong mundo ay alam ang nangyayari.
Parang kailan lang, halos sambahin nina Andi at Jake ang isa’t isa lalo na nu’ng kasagsagan ng isyu kung sino ang tunay na ama ni Ellie dahil nga itinatanggi naman ito ng dating boyfriend ng aktres na si Albie Casiño.
Lamog na lamog sa lahat ng pahayagan si Albie dahil panay ang tanggi na hindi niya anak ang bagets at nagsalitang pinagsabay sila ni Andi as boyfriends.
Ipinagtanggol to the max ni Jake si Andi, na hindi siya masamang babae at nagsabi pa na huwag na lang magsalita si Albie ng hindi maganda laban sa ina ni Ellie.
Gayundin si Andi, na kesyo mas may ‘balls’ daw si Jake kasi kahit hindi nito anak si Ellie ay inaalagaan silang mag-ina kumpara kay Albie na pilit ngang itinuturong ama pero dedma lang.
Hanggang sa hindi na nagsalita si Albie bilang pagtalima sa payo ng magulang, mga kaibigan at pati na abogado, dahil kamuntikan na silang magdemandahan ni Andi sa gulong nangyari sa isang bar sa Makati.
Hanggang sa nagkabalikan sina Andi at Jake at inamin nilang on and off ang relasyon nila dahil daw sa pagiging ‘babaero’ ng huli, base na rin sa pahayag ng aktres.
Kahit tuluyan nang naghiwalay sina Andi at Jake, nahihiram ng binata si Ellie na napamahal na raw sa kanya at dito siya hinangaan ng publiko.
Kaya ang ending, si Jake ang pinagdududahang tunay na ama ni Ellie pero itinatanggi pa rin ito ni Andi.
Nakakailang boyfriend na si Andi at hindi man sila nag-uusap ni Jake ay mukhang civil naman sila sa isa’t isa.
Pero sa presscon ng Camp Sawi, pelikula tungkol sa mga nasawi sa pag-ibig, natural lang na tanungin ang cast tungkol sa mga naging kasawian nila sa pag-ibig.
Umamin naman lahat, at dahil si Andi ang may pinaka-colorful na love life, natural na siya ang ginisa ng entertainment press.
Masarap kasing interviewee si Andi, sagot nang sagot, walang itinatago at sa bawat bitaw ng salita ay aakalaing laging may ‘hugot’ kahit wala naman na yata. Natural na taklesa rin naman kasi ang aktres.
At siyempre, si Jake ang nadiin kasi nga on and off ang relasyon nila pero hindi ito nagustuhan ng binata sa akalang ginagamit siya ni Andi para sa promo ng pelikula.
Sabihan nang nagamit nga siya sa promo nang hindi sinasadya, pero kung hindi niya ito nagustuhan, kinausap sana niya nang pribado si Andi at hindi ‘yung ipangalandakan sa social media ang sentimiyento niya.
Nasaan naman ang pagiging gentleman ni Jake ngayong bina-bash niya si Andi sa social media? Kilala pa naman ang mga Ejercito o Estrada sa pagiging maginoo.
Ang babaeng halos sambahin niya noong mga panahong mahal na mahal nila ang isa’t isa, heto at tinatalakan niya na nababasa ng buong mundo?
Ang sa amin lang, sana ay mag-usap sila nang personal dahil nakakahiya sila.
Ang taas ng respeto at pagtingin ni Ellie kay Jake, ano na lang ang mararamdaman ng bata kapag nabasa nito ang mga pinagsasabi niya tungkol sa nanay nito?
Nakakaloka ang pelikulang Camp Sawi, bakit hindi na lang binigyan ng cameo role si Jake Ejercito? Mas naging makatotohanan sana.