Arestado ang dalawang lalaki na miyembro umano ng “Akyat Bahay Gang” matapos pasukin ang bahay ng isang dalaga sa Parañaque City, kahapon ng madaling araw.
Isinailalim sa inquest proceedings sa kasong robbery sa Parañaque Prosecutor’s Office ang mga suspek na sina Rizalito Jimenez, 21, ng No.6541 Carnation St., Tramo Barangay San Dionisio at kapitbahay nitong si Marlon Gitungu, 22.
Pormal na naghain ng reklamo laban sa mga suspek ang biktimang si Genevieve Liboan, 28, ng No.399 Las Vegas St., Tramo 2 Bgy. San Dionisio ng nasabing lungsod.
Sa ulat na natanggap ni Parañaque City Police chief Sr. Supt. Jose Carumba, dakong 12:00 ng gabi pinasok ng mga suspek ang kuwarto ng dalaga.
Hindi pa man nakakapaghalughog ang mga suspek ay nagising na umano ang dalaga at nagsisigaw sa paghingi ng tulong.
Sa taranta ng mga suspek, tanging cellular phone ng biktima ang natangay ng mga ito at agad ding nasakote ng mga tanod na maagap na rumesponde.
Nabawi sa pag-iingat ng dalawang suspek ang cellphone ng dalaga bago idiniretso sa pulisya. (Bella Gamotea)