Ni CHITO CHAVEZ

Nananawagan ang iba’t ibang tribo sa bansa sa pamahalaan na magpatupad ng mga hakbang na magbibigay-respeto sa kanilang mga karapatan at magwawakas sa pamamaslang na dinaranas ng kanilang lipi, sa pagdiriwang ng International Day of the World’s Indigenous Peoples ngayon.

Sa pakikipagpulong kay Commission on Human Rights (CHR) Chairman Chito Gascon, sinabi ni lumad tribal leader Timuay Alim Bandara na dapat isama ang kanilang grupo sa usapang pangkapayapaan dahil sila ay biktima ng mga pang-aabuso at pagpatay.

Sa kabila ng Indigenous Peoples Rights Act na kumikilala sa mga karapatan ng mga lumad na pamahalaan ang kanilang sariling likas na yaman, idiniin ni Bandara na patuloy na nilalabag ang kanilang mga karapatan bunga ng mga pagmimina at kampanya kontra insurhensiya ng gobyerno laban sa mga rebelde.

Metro

Hinahanap daw ang anak: Lolo na may Alzheimer’s nahulog sa creek, nalunod!

Kabilang si Bandara sa grupo ng 60 lider ng mga katutubo at kababaihan sa bansa na magtitipon sa Quezon City ngayon upang ipagdiwang ang World’s Indigenous Peoples Day.

Muli niyang iginiit na naiipit ang IP sa labanan ng gobyerno, paramilitary forces at ng mga rebeldeng grupo.

Sinabi ng tribal leader na ang hindi pagkilala at kawalan ng paggalang sa tradisyunal na proseso ng paglutas sa mga sigalot ng magkakalabang grupo ang nagpapalala sa mga bayolenteng sagupaan na nagreresulta sa kamatayan ng kanilang mga ka-tribo.

Iginiit ni Victoria Tauli-Corpuz, ang United Nations Special Rapporteur on the Rights of the Indigenous Peoples, na kailangang maging tapat ang gobyerno sa pagpapanagot sa mga nagkasalang partido, maging sino man sila, kung nais ng pamahalaan na mawakasan ang matagal nang kasaysayan ng mga pang-aabuso at kawalan ng katarungan laban sa mga katutubo.