Apat na katao na sangkot umano sa ilegal na droga ang napatay matapos pagbabarilin ng mga berdugo ng binansagang “Caloocan Death Squad” (CDS), sa magkakahiwalay na lugar sa Caloocan City simula nitong Huwebes ng gabi hanggang kahapon ng madaling araw.

Ayon sa Police Community Precinct (PCP) 5, dakong 2:30 ng madaling araw nang pagbabarilin ng sinasabing CDS si Jomel Pernecida, 35, ng No. 6043 Sampaloc St., Barangay 178, Camarin ng nasabing lungsod, habang naglalakad sa kahabaan ng Interior Quisumbing.

Patay din si Jessie Canamon, 31, ng No. 1413 D.M. Compound, Bgy. 73, matapos barilin ng isang lalaking nakasuot umano ng bonet habang naglalaro ng cara y cruz sa kanilang lugar.

Eksakto 8:30 naman ng gabi nang pagbabarilin ng anim na lalaki, sakay motorsiklo, sina Eduardo Williams, 28, ng P. Jacinto Street, Bgy. 86 at Ramil Agaton, 42.

National

Hontiveros, inanunsyo na petsa ng pagdinig ng Senado hinggil kay Quiboloy

Batay sa imbestigasyon, pinakakain umano ni Williams ang kanyang anak nang pasukin ng mga suspek ang bahay nito at pagbabarilin. Habang nakikipag-inuman naman umano sa mga kaibigan ni Agaton nang sumulpot ang mga suspek at walang sabi-sabing pinagbabaril ang huli.

Samantala, sinabi naman ng isang opisyal sa Caloocan Police Station, na tumangging magpabanggit ng pangalan, na hindi totoong may death squad sa lungsod. (Orly L. Barcala)