Sa gitna ng matinding kampanya ng pulisya, naiisip na ring idaan sa pagko-commute ang pagbibiyahe ng ilegal na droga, matapos na P10-milyon halaga ng shabu ang iniwan sa jeep ng isang takot na takot na pasahero, na bigla na lang tumalon mula sa sasakyan para makatakas.

Iprinisinta kahapon ng National Bureau of Investigation (NBI) ang malalaking pakete ng shabu na tumitimbang ng 2.036 kilo makaraang isuko sa ahensiya nitong Linggo ng driver ng jeep na nakilala lamang sa alyas na “Joel”.

Ang driver, na dumalo rin sa presentation ng shabu habang nakasuot ng sunglasses, sombrero at jacket, ay kinailangang protektahan sa pangambang tugisin siya ng sindikato ng droga na nagmamay-ari sa mga pakete ng shabu.

Batay sa salaysay ng driver, Hulyo 23 at namamasada siya sa biyaheng Imus-Baclaran nang gisingin niya ang courier pagsapit sa terminal, dahil ito na lang ang sakay sa jeep.

National

De Lima, nag-react sa pahayag ni Espinosa na si Bato nag-utos na idiin siya sa illegal drugs

Aniya, bigla umanong napabalikwas ang lalaki at takot na tumalon mula sa jeep at nagtatakbo, iniwan ang dalawang kahon ng Zesto juice drinks na kinalalagyan ng pake-paketeng shabu.

“Ngayon ang delivery system nila (sindikato ng droga) common carrier system, public transport na lang maybe because they are feeling the heat. Mainit na ngayon ang checkpoint ng gobyerno,” sabi ni NBI Spokesman Ferdinand Lavin.

(Jeffrey G. Damicog)