KARLA copy copy

TAHASANG itinanggi ni Karla Estrada na naalarma siya sa napapabalitang pagbabalik-telebisyon ni Kris Aquino.

May naglabasan din naman kasing isyu hindi kukunin ng Queen of All Media ang timeslot ng morning show nina Karla, Melai Cantiveros at Jolina Magdangal.

Matatandaan na ang KrisTV ni Kris ang pinalitan ng Magandang Buhay at noong nakaraang linggo ay nakipag-meeting na si Kris sa ABS-CBN excutives at malamang daw na pinag-usapan na ang pagbabalik ng Queen of All Media.

Lifehacks

Feeling tagapagmana ng kompanya? Ilang tips para hindi 'overworked' sa trabaho

“Kung ako ang tatanungin ninyo, eh, hindi ako nababahala. Kumbaga, ano naman ang ipag-aalala ko, pero hindi ko alam sa kanila. Ang sa akin lang, kung nasaan man kami ngayon, at kung anuman ang ginagawa namin sa show, eh, ‘yun ang ibinigay sa amin ng network,” pahayag ni Karla.

Dagdag pa ng ina ni Daniel Padilla, hindi naman daw nila hiningi ang timeslot ng Magandang Buhay kundi kusa itong ibinigay sa kanila.

“Ang sa akin lang, eh, kasama naman ito sa kontrata na pinirmahan namin sa ABS-CBN. Kumbaga, lahat naman ng mga gagawin namin, eh, kasama ‘yun sa trabaho at alam naman nating lahat na ang nagdedesisyon noon, eh, mga boss ng network,” sabi ni Karla.

Aminado si Karla na matagal-tagal na rin ang huling pag-uusap nila ni Kris, pero bilang kaibigan ay isa raw siya sa masaya sa pagbabalik-telebisyon ng premyadong TV host at aktres.

Naniniwala si Karla na kahit ang kasalukuyang timeslot ng Magandang Buhay ang ookupahin ng pagbabalik-telebisyon ni Kris ay hindi nila dapat problemahin ‘yun.

“Sa totoo lang naman, eh, anumang magiging desisyon ng management, eh, wala tayong magagawa pero I’m sure na alam naman nila what is the best time slot para sa mga shows nila,” sabi ng tinaguriang Queen Mother.

Pagmamalaki pa ni Karla, namamayagpag sa ratings ang show nila nina Jolina at Melai.

“I’m sure alam ng ABS-CBN kung saan din kami magandang ilalagay. Ngayon pa, nakakatuwa na namamayagpag kami sa rating. Pero talagang tuwang-tuwa sila kasi ngayon lang nag-rate ng ganoong kataas ang morning show -- pumapalo kami ng 10% pataas, minsan nagdodose,” napatawa pang banggit ni Ms. Karla Estrada. (JIMI ESCALA)