Nahaharap sa mga kasong robbery-in-band, kidnapping, at illegal possession of firearms ang apat na suspek, kabilang ang dalawang Bangladeshi, na sinasabing nagnakaw ng P15 milyong halaga ng damit sa isang warehouse sa Pasay City nitong Sabado.

Kasalukuyang nakapiit sa detention cell ng Pasay City Police ang mga suspek na sina Mohamad Anowar Hossain at Kamal Hossan, kapwa Bangladeshi; Lawrence Anthony Daliscon, anti-illegal drugs agent, at Jelyn Paraquirre.

Dakong 4:00 ng hapon kamakalawa nang pasukin umano ng mga suspek na sina Hossain at Hossan ang bodega ng garments factory na binabantayan ng guwardiyang si Melody Bedro, nasa hustong gulang, sa Taft Avenue.

Bukod sa mga damit, tinangay din umano ng mga suspek ang ilang cellphone at P50,000 cash.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Hindi pa nakuntento ang mga suspek, tinangka rin umanong umanong dukutin ang anak ng may-ari ng pinagnakawang pabrika na isa ring Bangladeshi na hindi pinabanggit ang pangalan.

Dahil dito, humingi na ng tulong ang biktima sa mga pulis sanhi ng pagkakaaresto ng mga ito sa isinagawang follow-up operation nitong Sabado ng gabi.

Narekober ng awtoridad sa mga suspek ang isang kalibre .45 na baril na may lamang mga bala, magazine, kutsilyo at ilang sachet na pinaghihinalaang naglalaman ng shabu.

Lumutang kahapon sa pulisya ang isa pang Bangladeshi na kinilalang si Tanim Ahmad na nagsasabing dinukot at binugbog siya ng mga suspek sa Sta. Cruz, Maynila noong Hulyo 20 hanggang 23.

“My wife is a Filipina. I have one kid. They tortured me too much. They have the money and power,” reklamo sa pulisya ni Ahmad. (BELLA GAMOTEA)