Patay ang isang suspendidong pulis matapos makipagbarilan sa kanyang mga kabaro na nagsasagawa ng anti-illegal drug operation sa Caloocan City nitong Lunes ng hapon.

Dead on the spot ang suspek na si PO3 Roberto Cahilig Jr., na may mga alyas na “Jun Prado” at “Jun Cahilig,” 47, ng Ilang-Ilang St., Barrio Concepcion, Barangay 188, Tala ng nasabing lungsod, sanhi ng mga tama ng bala ng baril sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Ayon kay SPO2 Allan Budios, dakong 2:00 ng hapon nang makatanggap ng tawag ang Station Anti-Illegal Drugs-Special Operation Task Group (SAID-STOG), North Caloocan Police, kaugnay sa bentahan ng shabu na nagaganap sa Barrio Concepcion.

Sa pangunguna ni P/Chief Inspector Bernard Pagaduan, kaagad pinuntahan ng kanyang mga tauhan ang nasabing lugar.

National

Pag-imbestiga ng Senado sa drug war ni ex-Pres. Duterte, magandang ideya – Pimentel

Nakita umano ni PO3 Cahilig ang paparating na mga pulis at kaagad niya itong pinaputukan.

Gumanti ng putok ang grupo ni Major Pagaduan na nagresulta sa pagkamatay ng suspek.

Narekober sa napatay na pulis ang .9mm baril at dalawang heated sealed transparent plastic sachet na may lamang shabu.

Si PO3 Cahilig ay nakadestino sa District Anti-Illegal Drugs-Northern Police District at nasuspinde matapos umanong masangkot sa operasyon ng ilegal na droga. (Orly L. Barcala)