Pupulungin sa susunod na linggo ni Labor Secretary Silvestre Bello III ang lahat ng regional director ng Department of Labor and Employment (DoLE), kabilang ang mga napiling puno ng kagawaran, mga sangay nito at mga nagbibigay ng serbisyo, upang ipagpatuloy ang pagtalakay sa isyu at sa estratehiya na kinakailangan upang matugunan ang kontraktuwalisasyon ng paggawa sa bansa.

Sa nilagdaan ng kalihim na memorandum, iniutos niya sa lahat ng DoLE regional director, kabilang ang mga direktor ng Bureaus of Working Conditions, Local Employment, Labor Relations, Workers with Special Concerns; Legal Service, National Labor Relations Commission, National Conciliation and Mediation Board, at National Wages and Productivity Commission, na dumalo sa isang workshop sa Hulyo 18-19 upang rebisahin ang mga polisiya, legal framework at masuri ang contracting at sub-contracting na nakasanayan sa industriya.

“This is our continuing effort to address the issue of contractualization pursuant to President Duterte’s directive to afford full protection to contractual workers and ensure that their rights are upheld,” pahayag ni Bello.

Binigyang-diin ng kalihim na ang paggamit ng short-term employment contract, maging ito ay mga direktang pag-hire ng mga employer o sa pamamagitan ng pagkontrata sa labas, ay salungat sa mga probisyon ng Articles 106 hanggang 109 ng Labor Code, na sinusugan, ng Article 249, at hindi pinapayagan. (Mina Navarro)

National

Ikinakasang rally ng INC kontra impeachment kay VP Sara, pinaghahandaan na ng MMDA