COCO AT VICE_please crop

MUKHANG totoo nga ang tsika na hanggang 2017 pa mapapanood ang FPJ’s Ang Probinsyano ni Coco Martin na hindi matinag-tinag sa pagiging number one sa primetime.

Ayon kay Coco, hindi magiging maganda ang resulta ng Ang Probinsyano kung wala ang mga naging special guest nila at ang mga susunod pa.

So, hanggang 2017 nga ba tatakbo ang serye?

BALITAnaw

BALITAnaw: Ang dalawang babaeng naging pangulo ng Pilipinas

“Mahirap po kasing magsalita, pero dahil nga nagsimula kami September (2015), siguro ang ipapangako namin ay aabot kami ng isang taon,” sagot ng aktor.

Sina Vice Ganda, Ethel Booba, Chocoleit, Lassy at MC ang susunod na guests nila na pawang stand-up comedians, ano ang magiging papel nila?

“Bumubuo kasi kami every episode kung sino ‘yung artista at konsepto. Ang next nga si Vice. Sabi ko nga sa kanya, pangako namin na ibang-ibang Vice ang mapapanood nila kasi nga alam na ng lahat kung sino siya sa mga pelikulang nagawa na niya. Iibahin namin si Vice rito. Isa silang malaking sindikato na tungkol sa cybersex, parang ganu’n ang kuwento nila,” kuwento ng aktor.

Si Coco mismo ang nag-imbita kay Vice na mag-guest.

“Sabi ko nga, kung hindi siya pumayag magkakatampuhan kami bilang magkaibigan. Lalabas sina Vice siguro two to three weeks ganu’n din naman ‘yung mga ginagawa sa ibang guests.”

Kaya pa bang mag-guest ni Vice sa Probinsyano sa rami ng ginagawa nito?

“Ganu’n naman talaga ang magkaibigan, nagtutulungan sa hirap at ginhawa, meron o wala, nandiyan kami para sa isa’t isa,” say ng aktor.

Umeere ngayon ang guesting ni Cesar Montano, pero may ibang action stars pang gustong makatrabaho si Coco.

“Si Robin (Padilla), si Philip Salvador, marami po. Sabi ko nga, sobrang blessed ko na at gusto kong makatrabaho ang mga hinahangaan kong artista sa sobrang natutunan ko sa kanila ay sini-share rin nila sa project na ito. Sobrang blessing para sa amin,” pahayag ni Cardo.

Police/crime ang takbo ng kuwento ng Ang Probinsyano at marami pang istoya na hindi pa naipapakita sa serye.

“Marami pa po, hangga’t hindi natatapos ang krimen sa Pilipinas, hindi matatapos ang Probinsyano.”

Nakakatulong ang programa nina Coco sa pagpapalaganap ng information tungkol sa mga modus at kung paano ito nilulutas ng pulisya.

Samantala, kapag humaharap sa reporters, hindi nakakaligtas si Coco sa mga tanong tungkol sa kanyang love life.

Napangiti siya at nakiusap na ibalato na lang daw sa kanya.

Ikinumusta sa aktor ang nababalitang girlfriend niyang si Julia Montes, lalo na ang nabanggit sa huling presscon ng aktres na si Coco na lang daw ang tanungin kung ano ang real score nila.

“Sabi ko nga secret, eh,” natawang sagot ni Coco.

Bakit si Julia ang pinakamalapit na dalaga sa kanya?

“Mabait naman po si Julia, magaling na magaling po siya sa Doble Kara. At busy po siya sa Doble Kara, eh. Minsan po nagti-text-an po kami.”

Kailan ba niya aaminin ang tungkol sa kanila ni Julia?

“Eh, hindi naman po kasi ako ‘sing bata ng JaDine. Sabi ko nga po sa edad ko, ako dapat ‘yung ano talaga, eh, iniingatan ko ‘yung pribadong buhay ko kasi, sabi ko nga, sobra-sobra na ‘yung naibibigay ko sa trabaho ko, ‘yun na lang po dapat ‘yung itira ko.”

Ngayong magkapitbahay na sila ni Julia, nadadalaw na ba niyang madalas ang dalaga?

“Palagay ko po kahit dumalaw ako wala rin siya sa bahay niya kasi everyday din po siyang nagti-taping,” mabilis na sagot ng binata.

Samantala, super proud si Coco sa malaking ipinagbago ng buhay nina Onyok at MacMac na sikat na sikat na rin.

“Nakakatuwa po, siyempre hindi lang naman ako, pati sina Tita Susan (Roces), mga direktor ko, creative namin.

Honestly, turing ko na sa kanila parang mga anak, eh. Ang sarap ng pakiramdam at lagi ko pong sinasabi na nanggaling din ako d’yan (kahirapan) at ang dami pong taong tumulong sa akin. Kaya kung anuman ‘yung naitulong sa akin at ‘sine-share ko ay ibinabalik ko rin po sa kanila.

“Kaya mahihirapan akong i-let go sila, sobrang bait nu’ng dalawang bata, si Onyok nga makulit, sobrang bait at malapit sila sa pamilya at nakikita kong sila rin ang magiging dahilan para mabago ang pamilya nila,” kuwento ng aktor.

Bukod kina Ms. Susan, Onyok at MacMac kasama rin ni Coco sa Ang Probinsiyano sina Albert Martinez, Agot Isidro, Arjo Atayde, John Prats, Marc Solis, Maja Salvador at maraming iba pa, handog ng Dreamscape Entertainment. (REGGEE BONOAN)