Nalasap ng Philippine Blu Girls ang ikalawang sunod na kabiguan matapos yumukod sa China, 1-8, sa 16th World Cup of Softball XI and Border Battle VIII 2016 nitong Miyerkules (Huwebes sa Manila), sa OGE Energy Field ng ASA Hall of Fame Complex sa Oklahoma City.

Agad nagpasabog ng pitong run sa unang inning ang China para sa dominanteng panalo sa torneo na nagtatampok sa pinakamahuhusay na amateur player sa buong mundo.

Umiskor ang China sa first inning mula sa RBI double ni Xi Kailin, bago sinundan ng three-run home run ni Lu Ying, isang RBI single ni Xu Jia, at ang two-run double ni Zhao Jing. Nagtala din si Lu Ying ng tatlong RBIs mula sa dalawang hit ng China.

Unang nabigo ang Philippine national women’s softball team sa Team USA, 1-11, sa pagsisimula ng torneo.

Volleyball fans may bagong aabangan sa PVL!

Nasa ikalawang sunod pa lamang na paglahok ang Nationals sa taunang torneo matapos na pumangalawa sa kulelat sa 2014 edition sa Irvine, California.

Sunod na lalahukan ng Blu Girls ang prestihiyosong World Women’s Softball Championships na idaraos sa Hulyo 15-24 kung saan makakalaban nito ang US, Canada, France, Italy, Puerto Rico, Czech Republic, India, Chinese Taipei, at Mexico.

Ang pagsabak sa torneo ng Blu Girls ay bahagi ng paghahanda ng koponan para sa 2020 Olympic Games na gaganapin sa Tokyo, Japan kung saan kasama sa kalendaryo ng mga laro ang softball at baseball.

Ang koponan ay binubuo nina Chelsea Suitos, Dani Gilmore, Gabrielle Maurice, Dione Macasu, Queeny Sabobo, Annalie Benjamen, Rizza Bernardino, Francesca Altomonte , Angelie Ursabia, Lorna Adorable, Ma. Celestine Palma, Shaira Damasing, at Sierra Lange. (Angie Oredo)