Hindi na rin maawat ang galing ng Pinoy sa larangan ng kiteboarding.
Pinatunayan ni Filipino-Norwegian Christian Tio, tinaguriang ‘Boracay Kid’, na may paglalagyan ang Pinoy sa extreme sports nang makopo ang bronze medal sa under-19 class ng 2016 Kiteboarding Youth Cup World Championship kamakailan, sa Costa Brava, Spain.
Pumangatlo ang 15-anyos sa mas beteranong karibal na sina Maxime Chabloz ng Switzerland at Roman Giuliano ng France sa torneo na ginanap sa Camping La Ballena Alegre.
Sa kabila ng maalon na karagatan at malakas na hangin, naipamalas ni Tio ang kanyang pamosong kombinasyon para gapiin ang karibal sa quarterfinals, bago naungusan ni Giuliano sa semifinals.
Kasalukuyang No.2 sa world ranking matapos ang impresibong kampanya sa Junior Virgin Kitesurfing World Championships sa nakalipas na dalawang taon, napabilib ni Tio ang mga organizer sa kanyang mataas na skill level kung kaya’t itinaas siya sa under-19 mula sa under-17 category.
Ang ina ni Tio na si Liezl ay tubong Aklan at isa ring professional kiteboarder, habang ang kanyang ama na si Chris Mohn ang tumatayong coach. Natuto siya sa sports sa kanilang tahanan sa Bulabog beach kung saan tinanghal siyang kauna-unahang Pinoy na miyembro ng Red Bull athletes skill.
Nagsanay siya sa Ninja Academy, ang kauna-unahang indoor parkour facility sa bansa at nahasa ang kanyang endurance at flexibility sa Fitfast Wellness Center.
Sumailalim din siya sa pagsasanay sa Philippine Street Workout and Calisthenics Association, gayundin sa Srilankakite sa pangangasiwa ni coach Fabio Ingrosso sa Sri Lanka.
Target ni Tio na makalahok sa Pro World Kite Tour.