Isang magpinsan ang sugatan makaraang saksakin ng isang nagpakilalang barangay tanod at isang barangay kagawad matapos umanong makabasag ng bote ng alak habang nag-iinuman sa Tondo, Maynila, kamakalawa ng gabi.

Under observation sa Justice Jose Abad Santos General Hospital si Brian G. Camanzo, 20, helper; habang naka-confine pa sa Jose Reyes Memorial Medical Center ang pinsan niyang si Jeffrey C. Sulamo, 23, walang hanapbuhay, kapwa residente ng A. Rivera Street, Tondo.

Inaalam pa ng awtoridad ang pagkakakilanlan ng mga tumakas na suspek, na sinasabing isang barangay tanod at isang barangay kagawad.

Batay sa ulat ni SPO3 Paul Vincent Barbosa II, ng Manila Police District (MPD)-Station 2, nangyari ang insidente dakong 11:45 ng gabi kamakalawa sa panulukan ng A. Rivera at Mayhaligue Streets sa Tondo.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

Nauna rito, sinabi ni Reynold Jacob, kaanak ng mga biktima, na nag-iinuman ang mga biktima at ilang kaibigan sa naturang lugar nang isa sa mga biktima ang aksidenteng makabasag ng bote ng alak.

Nakatawag naman ng pansin ng mga suspek ang insidente kaya kinumpronta ng mga ito ang magpinsan na nauwi sa pananaksak.

Nagtamo si Camanzo ng dalawang saksak sa likod habang sa kanang tagiliran naman nasaksak si Sulamo.

(Mary Ann Santiago)