May ikinokonsidera nang paglalagyan sa mga bilanggo, partikular na sa mga itinuturing na high-profile sa National Bilibid Prisons (NBP).

Ito ang inihayag ng katatalagang si Justice Secretary Vitaliano Aguirre II, pero sinabi niyang mananatili muna sa Building 14 ng Bilibid ang mga high-profile inmate.

Sinabi ni Aguirre na hanggat walang final ruling ang reklamo ng mga drug lord ay mananatili muna ang mga ito sa nasabing gusali.

Tinukoy ng kalihim na maaaring ilipat ang mga ito sa Tanay, Rizal o sa Camp Aguinaldo, Quezon City, na may seldang ginamit doon ang mga sundalong nagrebelde.

'Mauubos lang ang oras ko:' Leila De Lima, iisnabin na lang mga basher

“We are thinking of the possibility of housing them. Mayron kasing possible cells sa Camp Aguinaldo. May 24 na magagandang selda na ginamit sa mutineers, sa ibang rebel soldiers. Mayroon din sa Tanay. Of course, long-range plan, magtatayo tayo ng panibagong building sa Nueva Ecija. And ikino-consider din ‘yung looking for an island, parang Alcatraz,” ani Aguirre.

Una nang nabatid na nangangamba para sa kanilang buhay ang 16 na high-profile sa Bilibid matapos na lumutang ang balita na nag-ambag-ambag umano sila ng malaking halaga para maging pabuya sa sinumang makapapatay kay Pangulong Rodrigo Duterte at kay Philippine National Police (PNP) Chief Ronald Dela Rosa, kaya nagpaabot ng manifesto ang mga bilanggo kay dating acting Justice Secretary Emmanuel Caparas tungkol dito.

Agad at mariin nilang itinanggi ang nasabing balita, at hinimok ang kampo ng Pangulo na magpadala ng kinatawan sa NBP para magsagawa ng imbestigasyon at mapabulaanan ang umano’y conspiracy laban kina Duterte at Dela Rosa. - Beth Camia