Nabalot ng tensiyon ang punong tanggapan ng Manila Police District (MPD) sa UN Avenue, Ermita, Manila, kahapon matapos na magwala at mamaril ang isang bagitong pulis na nagsabing plano umano niyang patayin si Manila Mayor Joseph “Erap” Estrada.

Matapos ang ilang minutong habulan ay naaresto naman ng mga pulis si PO1 Vincent Paul Bulacan Solares.

Habang isinusulat ang balitang ito ay iniimbestigahan pa ng MPD General Assignment Section (GAS) si Solares upang alamin ang dahilan ng pamamaril nito.

Base sa imbestigasyon, pasado 3:00 ng hapon nang dumating si Solares sa MPD headquarters na nakasuot ng uniporme at magalang na nginitian pa umano ang mga kapwa pulis na kanyang nakasalubong.

TINGNAN: Listahan ng mga nag-file sa pagkasenador at party-list sa huling araw

Gayunman, nang umakyat si Solares sa ikalawang palapag ng headquarters ay dito na siya nagwala at namaril.

Pinagsisira ni Solares ang hanay ng mga larawan ng mga opisyal ng MPD na nakasabit sa dingding malapit sa hagdan.

Naghahagis pa umano si Solares ng mga boteng may lamang tubig sa ibaba ng headquarters at nakipaghabulan pa sa mga pulis na humuli sa kanya.

Kaagad na nagpatupad ng lockdown ang MPD upang wala nang makapasok at makalabas sa kanilang tanggapan.

Nagpakalat din sila ng mga pulis, kabilang na ang mga miyembro ng Special Weapon and Tactics (SWAT).

Hindi naman nanlaban ang suspek nang masukol kaya mabilis din itong naaresto ng mga awtoridad. (Mary Ann Santiago)